Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Centre)

10:00 n.u. -- UPHSD vs CSB (jrs)

12:00 n.t. -- AU vs Letran (jrs)

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

2:00 n.h. -- UPHSD vs CSB (srs)

4:00 n.h. -- AU vs Letran (srs)

MAPANATILI ang pagkakaluklok sa ikatlong puwesto sa pamamagitan ng pagpuntirya ng kani-kanilang ikapitong panalo ang target kapwa ng Letran at College of St. Benilde sa dalawang magkahiwalay na laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng second round ng NCAA Season 94 basketball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Kasalukuyang magkasalo ang Knights at ang Blazers sa ikatlong puwesto kasunod ng mga namumunong Lyceum of the Philippines University (10-0) at defending champion San Beda University (9-1) sa taglay nilang parehas na kartadang 6-3.

Tatangkain ng Knights na duplikahin ang kanilang naunang 88-70 na panalo kontra Chiefs noong Agosto 7 habang sisikapin namang maulit ng Blazers ang 84-77 na panalo nila kontra Altas nitong Agosto 24 sa first round.

Sa pagkakataong ito, umaasa si Knights coach Jeff Napa na magpapakita ng consistency sa kabuuan ng laro ang kanyang koponan para mapalakas ang tsansa nilang manatili sa top 4 sa pangunguna ng kanilang beteranong forward na si Bong Quinto na nagposte ng dalawang sunod na triple-double sa pagtatapos ng first round.

“Kailangan pa naming magtrabaho.Hindi naman namin makukuha ang panalo sa pagiging confident,” ani Napa.

Sisikapin naman ng Chiefs na patuloy na buhayin ang laban para sa tsansang umabot ng Final Four mula sa kinalalagyang pang-anim na posisyon hawak ang markang 4-5.

Samantala, umaasa naman si CSB coach TY Tang na maitutuloy ng kanyang mga players ang maganda nilang performance.

“Hopefully we could still play better basketball in the second round,” ani Tang.

-Marivic Awitan