PANANDALIANG nagkaroon ng mga panawagan para buwagin ang National Food Authority (NFA) hinggil sa umano’y kabiguan nitong mapanatili ang supply at presyo ng bigas para sa mahihirap na sektor ng bansa. Isinisisi ng ilang senador at ng Foundation for Economic Reform ang NFA para sa pambansang krisis sa bigas, partikular sa Zamboanga.
Inaakusahan ang NFA ng pagpapakalat ng maling balita na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng bigas nang magbabala ito ng pagbaba ng imbak na bigas at nanawagan sa NFA Council na madaliin ang bagong pag-angkat. Ito ang konseho na may 18-miyembro, na may awtoridad na ipag-utos ang importasyon. Sa tungkulin nito, nagsisilbi itong bantay laban sa kurapsiyon sa pagkuha ng bigas at pagpupuslit.
Sa harap ng mabilis na pagtaas ng mga presyo, pinahintulutan ni Pangulong Duterte ang mabilis na pag-aangkat upang mapahupa ang presyo sa merkado. Sinabi ni Secretary of Agriculture Emmanuel Pinol na binuwag na ng Pangulo ang NFA Council at inilipat ang NFA pabalik sa Department of Agriculture. Ngunit itinanggi ni presidential spokesman Harry Roque ang tungkol sa abolisyon.
Inaasahan na ang naging utos ng Pangulo para sa mabilis na importasyon ay magpapahinto sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas na dulot ng kakulangan sa ilang bahagi ng bansa at ang manipulasyon ng ilang mangangalakal. Sa isang panayam nitong nakaraang linggo, ipinunto ni Secretary Piñol na malaking bahagi ng problema ay ang kakulangan ng koordinasyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, na humahantong sa mga pag-aalinlangan at kawalan ng aksiyon.
Ang kakulangan ng koordinasyon ay dulot sa bahagi ng desisyon ng dating administrasyon na ihiwalay ang NFA, ang National Irrigation Authority, ang Fertilizer and Pesticide Authority, at ang Philippine Coconut Authority mula sa Department of Agriculture noong 2014. Ang apat na ahensiya ng DA ay bahagi na ngayon ng bagong Cabinet-level Office ng Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization.
Ito ay isang hindi matalino at masamang pamamahalang desisyon na paghiwa-hiwalayin ang DA at ilagay ang apat na pangunahing ahensiyang ito sa panibagong miyembro ng gabinete. Nagresulta ito sa kawalan ng koordinasyon sa agrikultural na pagsulong at pag-unlad—at sa pagtukoy ng tamang panahon at daming kailangan para sa pag-aangkat ng bigas. Ang desisyong ito ay dapat lamang gawin matapos ang pagtataya sa pambansang produksiyon ng bigas ng ating mga magsasaka, ayon kay Secretary Piñol.
Ang mga naging desisyon at pagbabago kamakailan ay dapat na magresulta ng higit na koordinasyon sa mga kaugnay na ahensiya ng pamahalaan, giit ng kalihim. Hindi masosolusyunan ng panawagan na pagbuwag sa ahensiya ang nagpapatuloy na problema sa bigas. Higit na koordinasyon at kooperasyon ang makakatulong ng malaki, aniya.