TINANGGAP ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) ang “Gold Eagle” award matapos nitong higitan ang ibang police offices sa mga probinsya at lungsod ng Rehiyon 2, sa Performance Governance System Proficiency Stage Conferment and Awarding Ceremonies sa Valley Hotel sa Alimannao, Peñablanca, kamakailan.
Ang “Gold Eagle Award” ay iginagawad sa Philippine National Police unit na may kabuuang rating na 95 hanggang 100 porsiyento sa isang bahagi ng PNP Performance Governance System (PGS).
Nakapagtala ng kabuuang rating na 96.68% ang Cagayan Police higit sa pumangalawa na Regional Mobile Force Battalion 2, na nakakuha ng 94.57% para sa “Silver Eagle” award.
“We feel honored for the award. We will continue to strive and serve the public better,” pahayag ni Senior Supt. Warren Tolito, CPPO director sa isang panayam.
Samantala, pumangatlo naman ang Isabela police, na may 94.31% rating; na sinundan ng Batanes, 94.03%; Santiago City, 93.63%; Nueva Vizcaya, 93.42%; at Quirino, 93.04% na bawat isa ay nakakuha ng Silver Eagle awards.
Bilang pagkilala sa kakayahan ng mga nagwaging opisina, hinikayat ni National Police Commission vice chairperson and executive officer Atty. Rogelio Casurao ang mga pulis na itaas ang integridad at panatilihin ang maayos na pakikitungo sa komunidad.
“Integrity needs being consistent in one’s behavior in everything, including those unguarded moments which are conditional in the success of police-community relations,” aniya.
Itinampok naman sa programa ang First Regional Advisory Council (RAC) Summit, kung saan nagtipon ang mga stakeholders na kabilang sa pagbuo ng pormulasyon ng peace and security programs na may temang “Strengthening Community Linkages and Enhancing Partnership towards Good Governance and Genuine Transformation.”
PNA