Arestado ang isang umano’y tulak ng ilegal na droga habang pitong iba pa ang pinagdadampot din makaraang maaktuhan umano sa gitna ng shabu session sa isang sinasabing drug den sa Caloocan City, Lunes ng gabi.

Bagong tukoy umanong tulak si Mark Jefferson Petracorta, alyas “Mac”, obrero, ng Hasang Street, Barangay 12, Caloocan.

Naaktuhan umanong sama-samang bumabatak sina Allan Seville, 58; Jose Memoracion, 41; Felix Legaspi, 42; Allan Martin, 30; Joseph Sison, 49; Cynthia Alejo, 21; at Leogen Malihan, 23 anyos.

Sa report, dakong 10:20 ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Caloocan City Police Station Drug Enforcement Unit sa tapat ng isang bahay sa Capak Liit Street, Bgy. 12.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Unang nadakip ng mga anti-drug operative si Petracorta makaraang magbenta umano ng isang plastic sachet ng shabu sa pulis na poseur buyer kapalit ng P500 marked money.

Nang ma-monitor ang kahina-hinalang kilos sa loob ng bahay sa lugar, sinalakay ito ng mga pulis at naaktuhan umano ang pitong iba pang suspek na bumabatak ng shabu.

Nakadetine ngayon ang mga suspek sa Caloocan City Police Detention Center at pawang nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

-Orly L. Barcala