Posibleng may kinalaman sa pagsabatas ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ang dalawang insidente ng pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, kamakailan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman, Senior Supt. Benigno Durana, pawang “peace spoilers” ang nasa likod ng dalawang insidente.
Paliwanag ni Durana, hindi lingid sa publiko na hindi pabor ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa isinusulong na peace talks ng gobyerno, kaya tumiwalag ang mga ito sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Pareho lang, aniya, ang modus ng dalawang pagsabog na maminsala at pumatay, na gawain ng mga terorista.
Isa aniyang “phenomenon” na sa tuwing may usapang pangkapayapaan ay laging mayroong “spoilers” na gagamitin ang karahasan upang maisulong ang kanilang political agenda.
Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman, Col. Edgard Arevalo, na grupo niBIFF leader, Esmael Abdulmalik, alyas “Abu Torayfe”, ang nasa likod ng ikalawang pagsabog sa Isulan nitong Linggo ng gabi.
Pinalagan naman ni Isulan Mayor Marites Kapunan-Pallasigue ang alegasyon ng BIFF na pakana umano ng tropa ng pamahalaan ang magkasunod na pambobomba.
Nakatatawa, aniya, kung paniwalaan ang nasabing paratang, ayon sa alkalde.
Ito ang naging reaksiyon ni Pallasigue sa pahayag ni BIFF Spokesman Abu Misry na ibinibintang sa puwersa ng pamahalaan ang dalawang insidente sa Mindanao.
Ang unang pambobomba sa Isulan ay nangyari nitong Agosto 28, na ikinasawi ng tatlong katao habang 36 ang nasugatan, habang ang ikalawang insidente nitong Linggo ng gabi ay nangyari sa katabing barangay at kumitil sa buhay ng dalawang tao, habang 12 ang sugatan.
-Fer Taboy at Malu Cadelina Manar