BORACAY ISLAND, Malay, Aklan - Ipinagbabawal na ng pamahalaan ng Malay sa Aklan sa mga turista sa isla ang pagdadala ng mga plastic na bote at iba pang kauri nito.
Sa panayam, sinabi ni Malay Councilor Maylynn Graf, chairwoman ng committee on environment, na ang nasabing kautusan ay epektibo na nitong Setyembre 1 alinsunod na rin sa isang ordinansa na inilabas ng konseho.
Sa ilalim, aniya, ng ordinansa, ipinagbabawal din ang pagtatapon nito sa alinmang bahagi ng nabanggit na bayan bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang masolusyunan ang problema sa plastic.
Inoobliga na rin ng lokal na pamahalaan sa lugar ang mga turista at residente na magdala ng sariling bag kapag mamimili sa public market.
Sa entry point pa lamang, aniya, haharangin na ng mga tauhan ng munisipyo ang mga turista at residenteng may dalang plastic.
Inaasahang magbubukas muli sa publiko ang isla sa Oktubre 26 matapos isailalim sa anim na buwang rehabilitasyon.
-Jun Aguirre