PAGKATAPOS magtungo sa Israel, pupunta ngayong araw sa Jordan si Pangulong Duterte bilang bahagi ng kanyang pitong araw na biyahe sa nasabing panig ng Gitnang Silangan.
Tiyak na pamilyar ang mga Kristiyanong Pilipino sa ilog ng Jordan na nasa Bibliya, kung saan bininyagan ni Juan Bautista si Hesukristo, base sa tala sa Bagong Tipan. Ang Dagat ng Galileo na nasa hilagang bahagi ng ilog kung saan naglayag si Hesus kasama ang Kanyang mga disipulong mangingisda bago dumaong sa baybayin ng Galileo sa hilagang bahagi ng Israel, kung saan Siya hinihintay ng mga tao upang pakinggan ang Kanyang mga pangaral.
Mula sa Israel, na binisita ni Pangulong Duterte nitong Setyembre 2-5, tatawirin lamang niya ang ilog ng Jordan ngayong hapon upang simulan naman ang kanyang pagbisita sa Hashemite Kingdom of Jordan sa Setyembre 5-8. Isa ang Jordan sa tanging dalawang bansa—ang isa ay ang Egypt—na kumikilala sa Israel bilang isang estado.
Pinamumunuan ang Jordan ni King Abdullah II, na inilalarawan bilang “oasis of stability” sa magulong rehiyon. Tinanggap nito ang maraming migrante mula sa mga kalapit nitong bansa na dumaranas ng maraming sigalot sa mga nakalipas na taon. Taong 2015, nasa 2.1 milyong Palestinian ang nakatagpo ng pagkalinga sa Jordan kasama ng nasa 1.4 milyong Syrian at libu-libong Kristiyanong Iraqi na tumakas mula sa pagmamalupit ng Islamic State.
Sa ngayon, mayroong tinatayang 48,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Jordan, at ito ang isa sa mga dahilan ng pagbisita ni Pangulong Duterte sa bansa. Nang umalis ang Pangulo para sa Israel nitong Linggo, binanggit niyang ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Jordan kasama ang 28,000 Pilipinong caregivers sa Israel ang isa sa mahalagang rason ng kanyang pagbisita.
“There is a volatile situation there,” aniya. “We have to be sure that our citizens are fully protected.” Bukas din siya para sa posibilidad ng pakikipagkalakalan at pamumuhunan, kaya naman isinama niya sa kanyang biyahe ang isang delegasyon ng mga Pilipinong negosyante.
Ito ang unang pagkakataon na binisita ng isang pangulo ng Pilipinas ang Israel at Jordan, dalawang magkalapit na bansa na may hindi pagkakaunawaan sa isa’t isa bilang resulta ng galit mula sa kasaysayan sa pagitan ng Israel at ng mga kalapit nitong bansang Arabo, at ang nagpapatuloy na karahasan sa buong rehiyon na pinalala pa ng mga terorista ng Islamic State.
Sa kanyang pagbisita sa Israel at Jordan sa iisang biyahe, maaaring nais ihatid ni Pangulong Duterte ang isang mensahe ng pag-asa para sa kapayapaan at pagtutulungang pang-ekonomiya sa magulong bahaging ito ng daigdig.