Hindi natupad ang kasunduan ng Department of Trade and Industry (DTI) at manufacturers na wala munang magtataas ng presyo ng kanilang mga produkto ngayong “ber” months.
Ito ang sinabi ng consumers group na Laban Consumers Incorporated matapos suriin ang bagong suggested retail prices (SRPs) na inilabas ng DTI nitong Setyembre 1.
Iginiit ng convenor ng consumer group na Atty. Vic Dimagiba na may 13 produkto ang nagtaas nitong Setyembre 1, kabilang ang sardinas na tumaas ng P1.25 habang ang easy open ay P1.30; 85 sentimos naman ang itinaas sa presyo ng filled milk; P1.25 sa iodized salt sa Luzon, habang 10 porsiyento ang idinagdag sa presyo ng mga bilihin sa Visayas at Mindanao kumpara sa presyo sa Metro Manila. May paggalaw din sa presyo ng corned beef at bath soap.
Kinumpirma ni Dimagiba na nitong Setyembre 1 nagpatupad ng price hike ang ilang manufacturers kasabay ng inilabas na SRPs ng DTI.
Aniya dalawang linggo na ang nakalipas nang inanunsyo ng DTI na walang magaganap na taas-presyo sa mga bilihin ngayong “ber’ months matapos mangako ang mga manufacturers.
Ikinatwiran naman ni Stephen Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarket Inc., na dahil sa patuloy na mataas na presyo ng bilihin malamang na magsara ang ilang negosyo at mawawalan ng trabaho ang ilang empleyado.
-Bella Gamotea