Chris, Greg at Stanley, sabit sa PH Team sa World Cup qualifier
HINDI pa klaro ang partisipasyon nina Christian Standhardinger, Greg Slaughter at Stanley Pringle sa Team Philippines na isasabak sa second round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ipinahayag ni National coach Yeng Guiao na wala pang katiyakan na ibinibigay ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) hinggil sa eligibility ng tatlong nabanggit na players.
“Meron nang line-up, pero there are still issues, which prevents me from making the final line-up tonight,” pahayag ni Guiao sa panayam ng media matapos ang ensayo ng Nationals Lunes ng gabi sa Meralco Gym.
“We have to be certain on the situation of Greg, Christian, and Stanley,” ayon kay Guiao.
Sina Pringle at Standhardinger -- parehong naging bahagi ng koponan na pumuwesto sa ikalima sa katatapos na 18th Asian Games sa Jakarta -- ay kapwa naturalized players para sa FIBA dahil nakakuha sila ng Philippine visa ng lagpas na sila sa edad na 16 habang wala pang linaw ang kaso ni Slaughter.
Batay sa regulasyon ng FIBA, pinapayagan lamang sa line-up ng bansang kalahok ang isang naturalized player.
“If we’re not able to complete the documents of Greg, lalong hihirap yung situation natin because we have to choose between those three guys who we will designate as our naturalized player,” ayon pa kay Guiao.
“Yun ang nasa hangin sa ngayon, yung tatlo. We hope we can make them play as locals, as Filipinos. But hindi pa natin naaayos yung mga eligibility nila to play as Filipinos as of this point,” pahayag ni Guiao.
-Marivic Awitan