WALA raw problema sa supply ng bigas, bagkus madaragdagan pa ito sa susunod na buwan, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
“Ikuwento ninyo ‘yan sa pagong!” sagot ng mga “millennial” na madalas utusan ng kanilang mga magulang na bumili ng bigas sa kanto, ngunit umuuwing luhaan dahil sa kulang ang perang pambili nila – hindi lang piso kundi mula P3 hanggang P10 -- kumpara sa dating presyo
nito sa merkado.
“Marami naman po talagang parating na bigas, 125,000 metric tons ang parating. So, wala pong katotohanan na magkukulang tayo sa bigas,” ang sabi ni Roque. At ang pagtitiyak na ito na walang krisis sa bigas sa bansa ay ginawa sa Cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng presidential plane habang bumibiyahe patungo sa Israel.
“Juice colored” naman, kung gusto ninyong magbolahan diyan sa loob ng presidential plane habang bumibiyahe sa kalangitan, ‘wag na ninyo kaming idamay na nandito sa kalupaan at naghahanap ng sinasabi ninyong sapat na bigas para sa mamamayang Pilipino!
Ang totoo, wala kaming pakialam sa sinasabi ninyong parating na tone-toneladang bigas na inangkat ninyo pa sa ibang bansa – ang kailangan naming mga “isang kahig, isang tuka” ay ‘yung bigas na kaya ng baryang laman ng aming mga bulsa sa araw-araw naming pangangailangan.
Wala po kaming biglaang pambili ng pang-maraming kilo ng bigas, gaya ng mga kaibigang rice trader ng ilan sa ating mga opisyal sa gobyerno, na kayang-kayang mag-imbak, o ‘yung sinasabi nilang mga “rice hoarder” na siyang dahilan ng sobrang pagtaas ng bigas sa merkado.
Huwag na ninyong bilugin ang aming mga ulo – na walang “rice hoarder” o may nasampolan na kayo sa mga pag-inspeksyon na ginawa ninyo, pagkatapos magbanta ni Pangulong Duterte na ipahuhuli at kukumpiskahin ng pulis at militar ang mga itinatagong bigas ng mga tusong negosyanteng ito.
Gaya nga nitong “raid o inspeksyon” na ginawa raw ng mga opisyal Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), mga pulis at militar sa pitong bodega ng bigas sa dalawang malawak na compound sa Central Luzon.
Anyare? Naghihintay ang mga mamamayan ng report sa mga NASAMPOLAN ninyong ito.
Ayon sa nagtimbre sa akin na nakasama sa sinasabing “inspeksyon” ay HILAW raw ang operasyon dahil sa rami ng bodegang taguan ng bigas sa loob ng compound ng FEDCOR, di kalayuan sa SM Mall sa Marilao at ‘yung nasa may tabi naman ng Santol Elementary School, sa Balagtas, parehong nasa Bulacan – ay pitong bodega lamang ang “nabisita” – pero aabot daw sa 40 ang mga bodega rito -- at ‘yung iba pa na mas malalaki ay ‘di man lang nasilip.
Ayon sa isang rice trader, dapat ay may maipakitang kumpletong SALES REPORT para sa mga naka-imbak na bigas, kapag wala, ay “automatic hoarding” na ito!
Totoo ang problema sa bigas at hindi ito inimbento lamang ng mga nasa oposisyon, gaya ng report na ipinarating sa palasyo. Ito ay bunga ng pagsasabuwatan ng ilang opisyal sa pamahalaan at mga gahamang rice trader sa bansa!
Sa palagay ko, kailangan nang magpakawala ni Pangulong Duterte ng mga mapagkakatiwalaan niyang “counter intel operative”, na personal niyang pinili, sa lugar ng mga mahihirap na kabilang sa may 16 na milyong Pilipino na naglagay sa kanya sa puwesto, upang personal niyang mapulsuhan ang sapin-saping problema ng mga taong sumugal at ipinagkatiwala sa kanyang pamumuno ang kanilang hinaharap.
Paalala sa ating gobyerno: ‘Wag gawing biro ang problema sa bigas dahil kapag nagrebolusyon sa gutom ang sikmura ng Pilipino, nasisiguro kong babalik ito sa inyo!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.