TARGET ng Filipino-Chinese Veterans Basketball Association (FCVBA) na mapanatili ang matikas na kampanya sa pinaghariang dalawang divisions sa paglarga ng 27th ASEAN Veterans Basketball Tournament sa Setyembre 10 sa Hat Yai, Thailand.
Kumpiyansa si Ironcon Builders owner Jimi Lim, head ng Philippine delegation sa taunang torneo at deputy president ng regional association, na muling madodomina ng koponan ang 60-and-above at 65-and-above- years divisions.
“We practice from time to time so we are all upbeat we can defend our titles in both divisions,” pahayag ni Lim, tumatayo ring team manager, kasama sina Rain or Shine’s Terry Que at Freego’s Eduard Tio.
Bukod kina Lim at Que, bahagi ng koponan sa 65-and-above ay sina dating Crispa enforcer Bong dela Cruz, MICAA player Zotico Tan, Johnny Chua, James Chua, Sonny Co, Antonio Go, Conrad Siy, Eddie Yap at Achit Kaw.
“We have an intact lineup so we will go for a three-peat this time,” pahayag ni Que.
Puntirya naman ng 60-and-above squad ang kasaysayan na ‘four-peat’ at ang pagkakasama ni Tio sa koponan ay isang indikasyon para maiukit ang marka.
Kabilang sa 60s team sina dating San Miguel star Elmer Reyes, Crispa’s Noli Banate, ex-University of the East star Julio Cruz at dating La Salle star Kenneth Yap.
Kasama rin sina Danilo Ching, Aries Franco, Andrew Ongteco, Danny Co, Jose Lao, Elmer Latonio at Ramon Mabanta.
Hindi naman makalalaro ngayong season ang 50-and-above squad.
Naitala ng 50s squad na kinabibilangan nina PBA hall-of-famer Allan Caidic, Benet Palad, at Gerry Gonzales, ang ‘three-peat’ title sa nakalipas na taon sa Kuching, Malaysia.