Habambuhay na pagkakakulong ang inihatol ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) laban sa tatlong big-time drug pusher, na napatunayang nagkasala sa pagbebenta ng ilegal na droga.
“This is a crucial victory in a crusade we’ve begun in 2010.The adverse effects of illegal drugs ripple from the individual to the community at large so we’ve maintained the offensive versus this industry. Each drug personality we pin down is definitely a win for the city,” sabi ni Mayor Lani Cayetano.
Ayon sa hatol ni Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 267 Judge Antonio Olivete nitong Setyembre 3, reclusion perpetua o life imprisonment ang iginawad kina Jose Vastine, Edilberto Ty, at Alberto Joaquin Ong dahil sa paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
Bukod sa hatol, pinagmumulta rin ang tatlo ng P500,000.
Sasailalim rin sa rehabilitasyon sina Ong at Vastine sa loob ng anim na buwan sa isang government center, sa hiwalay na kaso ng paglabag sa Section 15, Article 2 ng RA 9165.
Kaagad na iniutos ng korte ang paglilipat sa tatlo sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Batay sa record ng hukuman, nadakip ang tatlo matapos na makumpiskahan ng mahigit dalawang kilo ng high-grade cocaine na nagkakahalaga ng P10 milyon, sa lungsod, noong 2011.
-Bella Gamotea