Hindi kinakapos sa bigas ang bansa, at maaasahan pa nga ng publiko na madadagdagan pa ang supply nito sa mga susunod na buwan, ayon sa Malacañang.
Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na may karagdagang 125,000 metric tons (MT) ng bigas ang inaasahang ide-deliver sa Pilipinas upang madagdagan pa ang supply ng bigas sa bansa at mapababa ang presyo nito.
Ang pagtitiyak na walang krisis sa bigas sa bansa ay kasunod ng Cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng presidential plane habang bumibiyahe patungo sa Israel, ayon kay Roque.
“Wala po tayong kakulangan sa bigas. Napakadaming supply at marami pang parating. Marami nang dumating, marami pang darating,” sabi ni Roque sa panayam sa radyo. “Marami naman po talagang parating ng bigas, 125,000 metric tons ang parating. So, wala pong katotohanan na magkukulang tayo sa bigas.”
Upang masigurong matatag ang supply ng bigas sa bansa, sinabi ni Roque na ipinag-utos na ni Duterte ang pagsobra ng pribadong sektor sa pag-aangkat ng bigas.
“Ang isang pamamaraan diyan ay iyong dapat angkatin sa 2019, eh paratingin na rin ngayong 2018; at mukhang magbibigay ng ganyang order po ang ating Presidente,” ani Roque.
Kasabay nito, sinabi ni Roque na binantaan ng Pangulo ang mga grupong nagho-hoard ng bigas upang mapataas ang presyo nito sa merkado.
“Sa dami ng bigas na naririyan na sa Pilipinas at parating pa, sisiguraduhin natin na malulugi rin iyong mga nagho-hoard ng bigas, ‘no. Kasi ang ginagawa nila, artipisyal ‘no; itinatago ang supply para tumaas ang presyo,” sabi ni Roque.
Kasunod nito, sa pagharap ng Pangulo sa Filipino community sa Jerusalem, Israel ay binigyang-diin niyang pulitika lang ang dahilan sa pagpapakalat ng balitang may rice shortage sa bansa.
“Ngayon sinasabi nila na may shortage daw ng bigas. Eh marami namang bigas eh, paparating pa nga dito, eh. Ngayon sumobra nga, eh,” sabi ni Duterte.
“Those are politics. But I would like to remind you that I won because of the vote of the Filipino,” dagdag niya.
Bago tumulak patungong Israel, tinanggihan ni Duterte ang mungkahi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na gawing legal ang pagpupuslit ng bigas sa Zamboanga, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, dahil makaaapekto ito nang masama sa ekonomiya.
Matatandaang nagdeklara kamakailan ng state of calamity ang Zamboanga City dahil sa kakapusan ng bigas, kasunod ng pagsirit ng presyo ng bigas sa siyudad—mula sa P40 ay pumapalo na ngayon sa P60-P70 ang kada kilo ng bigas sa lungsod.
-GENALYN D. KABILING at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS