Sinabi ni Deputy Speaker Prospero Pichay Jr. na dapat magpasalamat ang mga opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi “techie” si President Rodrigo Duterte.
Dahil kung magkaganoon, maya’t maya silang tatawagan ng Punong Ehekutibo para kalampagin sa mahinang cellular service sa bansa.
“Pasalamat na lang kayo si Pangulo hindi marunong gumamit ng Android,” pabirong sabi ni Surigao del Sur 1st District Rep. Pichay kay DICT Acting Secretary Eliseo Rio Jr. kahapon, na ang tinutukoy ay ang smartphone.
“Kung marunong siya lagi ka nun tatawagan,” sabi ng lider ng Kamara.
Si Duterte ang pinakamatandang nahalal na pangulo ng Pilipinas sa edad na 71. Nagdiwang siya ng ika-73 kaarawan noong Marso 28 at hindi maituturing na technophile.
Tinatanong ni Pichay si Rio sa budget deliberation ng DICT sa House Appropriations Committee.
Hinimok ng Mindanao solon ang ahensiya na ayusin ang pag-regulate sa telecommunications companies, partikular na limitahan ang bilang ng kanilang subscribers para maging proportional ito sa kanilang cell sites.
“We have to protect the consumer. Dropped calls china-charge din sa’min yan,” ani Pichay.
Kinumpirma ni Rio sa panel na ang ilang cell site o cell tower ay kaya lamang magserbisyo ng 1,600 subscribers. Mayroong halos 100 milyon subscribers sa pagitan ng telco giants na Globe at Smart.
Sinabi ni Pichay na sa 30,000 cell sites sa kasalukuyan, dapat itong dadagan ng telcos ng kahit 100,000 kung nais nilang mapanatili ang kasalukuyang bilang ng kanilang subscribers.
-Ellson A. Quismorio