SI Ronnie Liang ang living evidence na may puwang din sa showbiz ang good boy na may likas na talent at pagmamahal sa pamilya lang ang baon. Na hindi kailangang gumawa ng mga gimik o kalokohan para mapansin, mapag-usapan at sumikat.
Hindi man superstar, patuloy na tinatangkilik ng kanyang fans si Ronnie.Sa unang batch ng Pinoy Dream Academy (PDA), at kahit isama pa maging ang sumunod na batch, sila na lamang ni Yeng Constantino at ni Chai Fonacier na inagaw na ng acting, ang nananatiling aktibo at maraming assignments sa show business.
Hindi nawawalan ng gig si Ronnie. Katunayan, ngayong September 7 ay may concert siya sa Iloilo. Sa October 7, may concert din siya sa Japan at sa October 13 naman 13th anniversary concert niya sa Kia Theater. Mayroon din siyang show sa Sta. Rosa, Laguna sa November 30.Consistent si Ronnie simulang pumasok sa PDA noong 2006. Naagaw niya ang atensiyon ng business unit head noon ng PDA na si Direk Laurenti Dyogi nang awitin niya sa audition ang You Raise Me Up -- pagkatapos magkuwento na batay sa sariling karanasan ay hindi totoong pampered ang mga bunso.
Hindi naging madali ang lahat kay Ronnie. Bago siya pumasa sa PDA, mahigit 300 auditions ang pinagdaanan na nag-reject sa kanya.Galing sa mahirap na pamilya si Ronnie. Mayroong maliit na talyer ang kanyang ama sa kanilang hometown sa Angeles City, Pampanga at bilang bunso ay napakiusapang tumigil muna ng pag-aaral pagkatapos niya ng high school dahil wala nang maipangtutustos sa kanya.
“’Di ako pumayag,” kuwento ni Ronnie nang magyaya ng dinner sa inyong lingkod nitong nakaraang linggo. “Nakiusap ako sa father ko na tutulong ako sa pamilya, na gusto kong magtapos at magwo-working student ako.”
Nag-enrol siya ng Education sa Holy Angel University.
“Sa umaga, delivery boy ako ng tubig, sa P45 na presyo ng bawat container five pesos sa akin. Nagtinda rin ako ng herbal at beauty products; na-recruit kasi ang tatay ko ng mga customer niya na nasa multi-level marketing, service crew ng McDo at P18 ang per hour ko, pumasok din ako sa Video City at may sideline as ramp model. I had six jobs.”
Sa McDo siya na-discover ng isang talent scout kaya siya nakapasok sa modelling. Uminit ang ambisyon niyang mapalaki ang kinikita nang sabihan sila ng may-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay nila na paaalisin na sila.
“Nakitayo lang kasi kami ng bahay, idinikit nga lang namin sa pader para makatipid sa dingding.”Magtatapos na siya ng college at noon siya nagsimulang magpunta-punta ng Kamaynilaan para mag-audition.
“Hinihiram ko lang ang sapatos ng Tatay ko, at ngayon ko na lang naiisip na nakakatawa pala ang itsura ko kasi 12 ang size ng paa niya at 8 lang ang size ko noon. Nakabuka na ang suwelas ng sapatos, kaya siguro panay ang reject sa akin noon, hindi naman talaga kasi ako presentable.”
Kapag umuuwi ng bahay galing Metro Manila, ang laging tanong ng kanyang ina, “O, nakuha ka ba?”
“’Pag umiiling ako, pinapalakas niya ang loob ko.”Sa audition ng PDA, nang sabihan siya ni Direk Lauren na ikuwento ang buhay niya, napahagulhol si Ronnie.
“’Ramdam kita’,” ang reaksiyon ni Direk Lauren pagkatapos niyang kantahin ang You Raise Me Up.
Si Ronnie ang pinakamatino sa lahat ng PDA scholars, ayon na rin sa mga spy namin habang umeere ang show. Nang magkagulo ang US tour nila na lumikha ng malaking kontrobersiya, ayon pa rin sa sources ay si Ronnie rin ang tanging level-headed.
Nang magtuluy-tuloy ang career, bahay ng pamilya ang pinakaunang pinagkagastusan ng singer/actor. Nangingislap ang mga mata niya habang ikinukuwento ang pagkatupad ng kanyang pangarap pati na ang pagpanaw ng kanyang ina kamakailan.
Sa ngayon, hindi lang iisa ang bahay ni Ronnie. Bukod sa ipinatayong bahay para sa pamilya sa Pampanga ay may tirahan din siya sa Metro Manila at mayroon din sa Amerika.Bunga ng mga pagsisikap ng isang mapagmahal na bunso ng pamilya
-DINDO M. BALARES