JERUSALEM, Israel – Ipinagtanggol ni Pangulong Duterte ang kanyang panibago at kontrobersiyal uling rape joke, sinabing ang sinabi niya ay tungkol sa pagpipigil sa sarili kapag naiisip na gawin ang krimen.

Ito ang inihayag ni Duterte sa harap ng Filipino community sa Jerusalem, Israel nitong Linggo ng gabi.

“Alam mo ang—bakit ako medyo mataas ang buhay ko at saka medyo maano (malakas) ako? Medyo nakakalakad pa ako ng… alam mo bakit? Bakit? Dahil sa magandang Pilipina. At marami ‘yan,” sabi ni Duterte. “Sabihin na naman nilang misogynist ako, woman [hater].”

Tinukoy ng Pangulo na halimbawa ang huli niyang biro tungkol sa madaming kaso ng rape sa Davao City. Noong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na ang pagdami ng nasabing kaso ay dahil sa maraming magaganda sa kanyang siyudad.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Hindi ko naman sabi ni-rape lahat ‘yan. But you are almost mesmerized or tempted. That’s how you control yourself. It is a democracy. Freedom of expression,” anang Presidente.

Inulan ng batikos ang Pangulo sa nasabing rape joke, bagamat ipinagkibit-balikat lang ito ng Malacañang, at sinabing hindi dapat na sinseryoso ang mga biro nito.

Kasabay nito, idinahilan din ni Duterte ang freedom of expression sa pagtatanggol kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson mula sa mga kritiko na nananawagan na sibakin na ito sa tungkulin, kasunod ng nag-viral na “pepedederalismo” video ng opisyal upang ipaunawa sa publiko ang pederalismo.

“There are things na tingin ko medyo nasobrahan (si Uson). But just the same as a President who is sworn to protect the constitution and enforce it, it is covered with ‘yung privilege nila—freedom of expression.

“Kung ano ‘yang gusto niyang sabihin, que ma-empleyado siya ng opisina ko o sa labas as a private citizen, that is not really my concern. As long as it is covered sa provision ng Constitution—freedom of expression,” ani Duterte.

Matatandaang freedom of expression din ang idinahilan ng Presidente nang hayaan niyang hindi humingi ng paumanhin si Uson sa aktres na si Kris Aquino, na napikon sa paggamit ni Uson sa litrato ng namayapang magulang ng celebrity—sina dating Pangulong Cory Aquino at dating Senador Ninoy Aquino—upang idepensa ang paghalik ni Duterte sa labi ng isang Pinay na ginang sa South Korea.

-Argyll Cyrus B. Geducos