ANG tag-ulan ay panahong hinihintay ng ating mga magsasaka sa mga lalawigan sapagkat kapag naging madalas na ang pag-ulan, ang mga linang sa bukid ay unti-unting nagkakatubig. At kapag may tubig na ang mga linang, ang mga magsasaka ay magsisimula nang mag-araro at magsuyod sa lupa nilang sinasaka, sa tulong ng kanilang mga kalabaw o traktora.
Kasunod na nito ang pagtatanim ng palay. Matapos magtanim, ang mga punla ng palay na itinanim ay kulay dilaw-luntian. Ngunit habang lumilipas ang araw, kasabay ng paglaki ng itinanim na palay, ang bukid ay mistulang kinumutan ng luntiang kulay ng mga palay.
Makalipas pa ang ilang buwan, magsisimula nang maglihi at magbuntis ang mga uhay ng palay. Sa puso ng mga magsasaka, may nadarama silang kasiyahan sapagkat maayos ang paglaki ng kanilang mga itinanim na palay. Kasabay nito ang dalangin na huwag sanang magkaroon ng malakas na bagyo na makapipinsala sa kanilang palayan.
Ngunit kapag nagkaroon ng bagyo na may kasamang malakas na ulan, ang palayan ay lumulubog sa tubig. Nangyayari pa kung minsan na ang pagkakaroon ng malakas na bagyo at ulan ay nagaganap sa panahon na nagsisimula nang maglihi at magbuntis ang mga uhay ng palay. Kapag malakas ang pag-ulan, lumulubog sa tubig ang mga palayan. Saklot na ng lungkot ang ating mga magsasaka sapagkat ang aanihin nilang palay ay maraming tulyapis o walang laman.
Karaniwan na kapag sumasapit ang tag-ulan ay nagaganap ang mga malakas na pag-ulan dala ng habagat o ng bagyo. Nagkakaroon ng mga pagbaha sa mga ilog at kalsada. Ang mga pagbaha at pagtaas ng tubig ay nagpapalubog sa maraming bayan sa mga lalawigan tulad sa Bulacan, Pampanga at Pangasinan.
Sa Angono, Rizal, ang pagsapit ng tag-ulan at pagkakaroon ng bagyo na may kasamang malakas na hangin at ulan ay may hatid na takot at lungkot sa mamamayan.
Ang dahilan, babaha ang ilog sa Angono. Aapaw ang tubig-baha sa mga kalsada na malapit sa ilogat papasok sa loob ng bahay. Matapos ang baha, ang taas ng putik na iniwan ng baha ay lampas-bukong-bukong. Todo-linis naman ang mga biktima ng baha.
Ang pagbaha sa Angono ay dahil sa pagkakatayo ng isang crushing plant sa paanan ng isang bahagi ng bundok sa Angono. Ang mga nabanggit ay ang karaniwang nangyayari noon sa Angono kapag umulan nang malakas at bumaha.
Ang nasabing problema tuwing tag-ulan sa Angono ay nabigyan ng solusyon. Naganap ito mula nang manungkulan si Mayor Gerry Calderon, sa tulong at suporta nina dating Rizal Congressman Bibit Duavit at Rizal Governor Ito Ynares, Jr., nalagyan ng dike ang baybay-ilog ng Angono. Naiwasan na ang pag-apaw ng tubig kapag nagkakaroon ng mga pagbaha.
Ang paglutas ng problema sa pagbaha sa Angono ay nasundan pa ng proyektong “Oplan Hukay-Ilog” ni Mayor Calderon. At kasabay ng proyektong ito ang rehabilitasyon ng ilog ng Angono.
Naging bahagi ng nasabing proyekto ang pagpapaluwang ng bukana ng ilog ng Angono sa tabi ng Laguna de Bay, upang tuluy-tuloy ang tubig-baha sa lawa kapag bumabaha. Tuwing tag-araw, ang “Oplan Hukay-Ilog” ay patuloy na inilulunsad ng pamahalaang bayan upang maiwasan ang pagbabaw ng ilog sa suporta ng pamahalaang panlalawigan. Dahil dito, ang pag-apaw ng tubig-baha sa mga barangay na nasa tabi ng ilog ay naiwasan.
Pinasalamatan ng mga taga-Angono ang Oplan Hukay-Ilog at ang mga lider sa lalawigan ng Rizal na sumuporta sa proyekto.
-Clemen Bautista