MAGIGING magastos pala ang pederalismo. Aabot daw sa P243.5 bilyon bawat taon ang gugugulin ng gobyerno upang mapatakbo ang sistemang pederal sa Pilipinas kapalit ng kasalukuyang sistemang presidensiyal.
Mismong ang National Economic and Development Authority (NEDA), na pinamumunuan ni Secretary Ernesto Pernia, isa sa mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang nagbabala na karagdagang P243.5 bilyon kada taon ang magugugol ng pambansang gobyerno upang mapagana ang pederalismo, na magreresulta lalo sa pressure ng fiscal deficit ng bansa.
Nakipagpulong ang economic managers ni PRRD, na kabilang sa Economic Development Cluster, sa mga kasapi ng Consultative Committee (ConCom), na nagrerepaso sa 1987 Constitution. Sinabi ni NEDA Usec. Rosemarie Edillon na tinitingnan nila ang “fiscal pressures” kaugnay ng paglikha o pagtatatag ng karagdagang mga tanggapan sa lehislatura, hudikatura at sa ehekutibo.
Bukod sa mga ito, ayon kay Edillon, kasama rin ang pagpopondo sa panukalang Equalization Fund, na tatlong porsiyento sa General Appropriations Act (GAA) o pambansang budget. Ayon sa NEDA, mahirap matantiya kung ang federal structure ay makabubuti sa Pilipinas. Para raw maging handa ang bansa sa sistemang pederal, dapat amyendahan ang Local Government Code at ang Administrative Code, at tiyakin ang kakayahan ng mga kawani ng pamahalaan.
Isinusubasta ngayon ng Leon Gallery ang “personal na watawat” ng bayaning si Andres Bonifacio na magsisimula sa halagang P1 milyon. Ang bandila ni Bonifacio ay tinahi ng kanyang ginang na si Gregoria de Jesus. Iniregalo ng biyuda ni Ka Andres ang bandila kay Antonio Santos Bautista ng Malolos, Bulacan kaugnay ng ika-33 anibersaryo ng Malolos Congress noong 1931.
Iginiit ni Director General Aaron Aquino, puno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na shabu ang laman ng apat na magnetic lifter na nadiskubre ng mga tauhan ng PDEA sa isang bodega sa General Mariano Alvarez, Cavite kamakailan. Gayunman, bukas na at walang laman ang apat na magnetic lifter na inupuan ng K-9 dogs na eksperto sa pag-detect ng shabu.
Naniniwala si Aquino na ang tone-toneladang shabu na naipupuslit sa Bureau of Customs (BoC) at iba pang pantalan ay kagagawan ng Golden Triangle drug syndicate. Patuloy nilang tinutugaygayan ang shabu smuggles ngunit ayaw muna ni Aquino na idetalye sa House committee on drugs ang ginagawa nilang imbestigasyon at pagtugis upang hindi mahayag ang kanilang intelligence information.
Nakapagtatakang parang higit na pinaniniwalaan pa ni PRRD si BoC Commissioner Isidro Lapeña na nagsabing hindi shabu ang laman ng apat na magnetic lifter kaysa paniniwala ni Aquino na mismong mga aso ang umupo at nagpatunay na shabu ang laman ng mga ito. Hindi rin daw kinakitaan ng matinding galit ang Pangulo sa naturang shabu smuggling.
Bakit daw ipinipilit ng ating Pangulo na ang Naga City ni Vice Pres. Leni Robredo ay “hotbed of shabu” o pugad ng shabu? Ang ganito raw akusasyon ng Pangulo ay maitutulad sa “trial by publicity” na inihahayag sa publiko gayong wala namang ebidensiya.
Kung galit daw siya kay beautiful Leni, siya ang tirahin at idikdik niya at huwag isangkot ang buong Naga, ayon sa Bise Presidente.
-Bert de Guzman