Umapela ang ilang grupo ng magsasaka at mangingisda para sa dagdag na presyo sa pagbili ng palay, na mula P17 ay gawin itong P20, upang matugunan ang kakulangan sa supply ng bigas sa bansa.
Simula noong 2007 hanggang 2017, nasa 1.89 porsiyento lamang ang average procurement ng palay ng National Food Authority (NFA).
Noong nakaraang taon, nasa 28,000 metric tons (MT) o 0.15 % lang ng kabuuang lokal na produksiyon ang nabili ng ahensiya.
Sa datos ng NFA, nasa 3,986 MT ng palay lang ang nabili mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon.
Iginiit ni National Federation of Peasant Women (Amihan) Chairperson Zenaida Soriano na nagpapatuloy ang kakulangan ng supply ng bigas at pagtaas ng presyo nito dahil naging prioridad ng NFA ang pag-aangkat ng palay sa halip na bumili sa mga lokal na magsasaka.
Ayon sa Bantay Bigas, kung tataas ang support price sa P20 kada kilo, maaaring makabili ang NFA ng 350,000 MT ng palay na katumbas ng 228,900 MT ng bigas sa 65.4% recovery rate, na sapat para sa pitong araw na buffer stock.
-Ellalyn De Vera-Ruiz