Dalawang anggulo ang sinisilip ng awtoridad sa pagpatay sa isang opisyal ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Ronald “Bato” dela Rosa, posibleng may kinalaman sa trabaho at ang umano’y pagkakaroon ng maraming asawa ang motibo sa pagpatay kay Romel Reyes y Awtiga, 41, nakatalaga sa Bureau of Reservation Security Service (BRSS), at residente ng Powerhouse, NBP Reservation, Barangay Poblacion, Muntinlupa City.
Patuloy namang inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng nag-iisang suspek, na inilarawang nakasuot ng puting helmet at sakay sa isang asul na motorsiklo.
Sa ulat na ipinarating ni Southern Police District (SPD) Director Tomas Apolinario, Jr., naganap ang pamamaril sa NBP Road, malapit sa Sunken Garden, NBP Reservation, Bgy. Poblacion, bandang 4:05 ng hapon.
Sakay din sa motorsiklo, inihatid ng biktima ang pinsan ng kanyang misis malapit sa lugar at hindi nito namalayan na lihim siyang sinusundan ng suspek.
Pagsapit sa lugar, dinikitan umano ng gunman ang biktima at binaril sa ulo at dibdib na sanhi ng agarang pagkamatay ni Reyes.
Ayon kay Dela Rosa, bago siya maupo bilang pinuno ng BuCor ay tinanggal si Reyes bilang overseer ng Maximum Security Compound sa NBP at sinampahan ng kaukulang kaso dahil sa mga reklamong panghihingi ng pera kapalit ng pagbibigay prebilehiyo sa mga inmates at dalaw.
Sinabi pa ni Dela Rosa, marami umanong asawa ang biktima.
Sa ngayon, sinusuri ng awtoridad ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera malapit sa pinangyarihan ng insidente.
-BELLA GAMOTEA