“MANINDIGAN tayo laban sa mga diktador. Sa halip na tingalain natin ang mga lider na kamay na bakal ang ginagamit sa pamamahala, na ang kanilang kapangyarihan ay nagbubuhat sa pananakot, kilalanin natin ang mga tunay na bayani na ang kanilang lakas ay nagmumula sa awa at simpatiya,” wika ni Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang talumpati bilang keynote speaker sa Ramon Magsaysay Awards ceremony nitong Biyernes.
Aniya, lumaban tayo para sa mga hindi kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Mukhang hindi na uubra ang pananakot na inumpisahang gawin ni Pangulong Duterte nang siya ay manungkulan. Nang ang kanyang pagkakaupo ay sundan ng mga sunud-sunod na pagpatay sa mga taong umano ay sangkot sa droga, mabibilang mo ang tumindig at nagsalita laban sa kanyang pamamaraan ng paglalapat ng lunas sa problema ng ilegal na droga at kriminalidad.
Kahit sila ay inalipusta ng Pangulo, hindi natakot sina Sen. Antonio Trillanes, Sen. Leila De Lima, dating Chief Justice Sereno, ilang kasapi ng Simbahan at religious congregation, at mga opisyal ng Commission on Human Rights (CHR). Dahil sa tapang na ipinakita nila, naging dahilan ito ng pagkakulong ni Sen. De Lima at pagkakatanggal sa puwesto ni Sereno.
Ipinagbunyi ng taumbayan si Duterte dahil sa paniniwala nila na ang kamatayan ng kanilang kapwa ang magpapatahimik sa ating bansa. Hindi rin natinag ang approval rating ng Pangulo. Hanggang sa ngayon, nanatili siyang “very good” sa mamamayan, ayon sa survey ng Social Weather Stations.
Ngayon, dumarami na ang nagkakaroon ng lakas ng loob para ipamukha sa Pangulo na mali ang inumpisahan niyang paraan ng pamamahala. Mali ang pumatay at papanagutin ang sinuman sa kanyang pagkakasala nang hindi nagdaraan sa proseso ng batas. Mali ang labagin mo ang karapatan ng tao na sa kanyang pagsilang ay kaakibat na niya.
Kung noong una, sinisibak kaagad ng Pangulo ang mga hinirang niya at opisyal ng gobyerno na sumasalungat sa kanyang mga opinyon, deklarasyon at polisiya, ngayon naman ay mga economic managers na niya nangunguna sa pagputol at pagpuna sa pederalismo, na kanyang ipinagmamalaking lulunas sa malalaking problema ng bansa.
Nang sabihin niyang hindi dapat sabihin ni Philippine Drug Enforcement Agency Director Aaron Aquino na ang apat na cylindrical container na natunton nila sa GMA, Cavite na walang laman ay pinalagyan ng shabu, iginiit pa rin nito na shabu ang naging laman nito.
Nang ideklara ng Pangulo na ang papatay sa kanya ay mga ahente ng Central Intelligence Agency (CIA), sinupalpal siya ni Philippine National Police Chief Oscar Albayalde na hindi CIA, kundi ang New People’s Army (NPA).
Kaya, sa loob at labas ng pamahalaan, marami na rin ang kumokontra kay Pangulong Digong. Humina na siya sa mamamayan. Ang survey na nagpapakitang “very good” pa rin ang kanyang rating ay ampaw na. Hindi na tumatalab ang social media na nagpapaganda sa imahe ng Pangulo. Kasi, bumagsak na ang kanyang kredibilidad dahil sa kanyang mga sinasabi, ginagawa at sa nangyayari.
Higit sa lahat, tumaas ang presyo ng lahat ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Mahirap nang mapagliluhan ang sambayanang halos wala nang mailaman sa kanilang sikmura. Ito ang dahilan kung bakit lumakas na sila laban sa panlililinlang.
-Ric Valmonte