GINAWARAN ang munisipalidad ng Tungawan sa Zamboanga Sibugay ng Kabalikat ng Lipunan sa Kalusugang pang-Nutrisyon at Teknolohiya (Kabalikat) award para sa naging kontribusyon nito sa Food and Nutrition Research Institute (FNRI) Malnutrition Reduction Program (MRP).

Ayon kay Martin Wee, direktor ng Department of Science and Technology 9 (Zamboanga Peninsula), layunin ng Kabalikat Award na kilalanin ang mga local government unit (LGU)—technology partners, na aktibong nakikipagtulungan sa DOST-FNRI upang matugunan ang problema sa malnutrisyon sa pamamagitan ng produksiyon ng mga komplimentaryong pagkain para sa feeding program sa mga lugar ng Malnutrition Reduction Program (MRP).

Ayon kay Wee, kinilala ang Tungawan bilang FNRI-MRP Technology Partner sa Large-Scale Category para sa “demonstrating economic viability, and rapid return of investment, involving the spirit of cooperative movement and potential for expansion and sourcing of raw materials from local farmers, in an effort to address malnutrition among infants and children up to five years of age.”

Aniya, nagsimula ang proyekto noong 2015, kasama ang limang rehiyon bilang benepisyaryo sa pamamagitan ng DOST Grants-in-Aid (DOST-GIA).

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Napili na benepisyaryo ang Tungawan dahil sa pagsisikap nito na matugunan ang isyu ng malnutrisyon at bilang isa sa Top 10 municipalities na may pinakamataas na kaso ng malnutrisyon sa rehiyon ng Zamboanga Peninsula.

Dagdag pa ni Wee, tinulungan ng DOST-FNRI ang Tungawan sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga ina at mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) para sa malnutrition prevention measures. Nagtatag ang bayan ng isang food production facility na lumilikha ng sapat na dami ng “Mongo Curls” at “Mongo Baby Food Blend”.

Ilan naman sa mga naging kliyente ng pasilidad ang ilang LGU sa bahagi ng Zamboanga Peninsula at Tawi-Tawi kasama ang mga ahensiya ng social welfare, labor, at health.

PNA