MULING bibigyan ng ABS-CBN at Knowledge Channel ng pagkakataon ang mga estudyante sa kolehiyo na maipalabas ang kanilang gawang dokumentaryo sa telebisyon sa Class Project Intercollegiate Mini-Documentary Competition, na inilunsad nitong Agosto at tumatanggap na ngayon ng mga kalahok.
Layunin ng Class Project, na nasa ikalawang taon na, ang linangin ang husay at pagiging malikhain ng mga estudyante sa paggawa ng mga kalidad na dokyumentaryo at maihatid ito sa mas maraming manonood. Mapapanood ang mga panalong documentary sa programang Class Project sa Knowledge Channel, at makatatanggap din ang mga mapipiling winner ng tropeo at cash prizes.
Maaaring sumali sa contest ang mga estudyante sa mga kolehiyo o unibersidad na kasapi ng Philippine Association for Communication Educators (PACE). Kailangang ang video nila ay naglalahad ng mga magagandang asal na itinataguyod ng Knowledge Channel tulad ng katarungan sa lipunan, serbisyo, integridad, at nasyonalismo at may haba ng 12 to 15 minuto. Huling araw ng pagsusumite ng entry sa Nobyembre 30, 2018.
Noong 2017, nanalo ang mga dokyu na Lupang Pinangako: Mga Rizalista ng Ronggot ng De La Salle University, Basilica ng Lyceum of the Philippines University-Laguna, at Manila Sound: Sunshine of the 70’s ng mga mag-aaral sa Southville International School and Colleges.
Pararangalan ang mga mananalo sa darating na Pinoy Media Congress Year 13 (PMC) ng ABS-CBN sa Pebrero 2019. Ang PMC ay proyekto ng PACE at ABS-CBN na pinagsasama-sama ang mga guro at mag-aaral sa komunikasyon para matuto at makipag-diskurso sa mga batikang personalidad sa industriya tungkol sa iba’t ibang isyu sa media. Noong nakaraang taon, higit isang libo ang dumalo sa College of the Holy Spirit Manila at Cebu Technological University para matuto sa mga tulad nina screenwriter na si Ricky Lee, ABS-CBN head of Integrated News & Current Affairs na si Ging Reyes, journalist na si Jeff Canoy, at ang actress-screenwriter na si Bela Padilla.
Samantala, magdadaos din ang ABS-CBN ng Docu Caravan kasama ang Knowledge Channel at ABS-CBN Integrated News & Current Affairs sa iba’t ibang eskuwelahan upang turuan at bigyan ng inspirasyon ang mga mag-aaral kung paano gumawa ng mga makabuluhang dokumentaryo.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa Class Project: Intercollegiate Mini-Documentary Competition, bumisita lamang sa www.pinoymediacongress.com. Maaari ring mag-email sa [email protected].