MULING nakipagtambalan ang Hanabishi -- nangungunang manufacturer ng mga home appliance sa Pilipinas – at GMA Kapuso Foundation (GMAKF) para sa Rebuild Marawi Project na naglalayong itayo at ibalik ang 18 silid-aralan ng tatlong mababang paaralan sa Marawi City.
Magbibigay ang Hanabishi ng mga appliance na nagkakahalaga ng P500,000 tulad ng mga electric fan at water dispenser sa Pendolonan Elementary School, Camp Bagong Amai Pakpak Elementary School at Datu Saber Elementary School.
“Layunin ng Hanabishi na mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng paggawa ng mga produktong de-kalidad at abot-kaya. Naniniwala kami na kaisa namin ang GMAKF sa hangaring ito kaya naman taos-puso kaming nagpapasalamat dahil palagi at patuloy kaming nakasasama sa mga proyekto nila na nakatuon sa pagtulong sa mga Pilipino saanman sa bansa,” pahayag ni Hanabishi President Jasper Ong.
Unang nakasama ng Hanabishi ang GMAKF sa isang housing project para sa mga biktima ng bagyong Sendong noong 2011. Mula noon, patuloy nang sinuportahan ng Hanabishi ang iba pang mga proyekto ng GMAKF sa loob ng kanilang pitong taong matibay na samahan. Ipinahayag ni GMAKF Executive Vice-President at Chief Operating Officer Rikki Escudero-Catibog ang kanyang pagpapahalaga sa walang-sawang suporta at tapat na kalooban ng Hanabishi.
“Naniniwala ako na epektibong nadadala ng GMA Kapuso Foundation ang Hanabishi brand sa mga komunidad kung saan ito kailangan. Isang magandang halimbawa ang mga benepisyaryong mababang paaralan ng Rebuild Marawi Project. Mahalaga para sa mga kabataan ng Marawi na magkaroon ng mga silid-aralang kaaya-aya para sa pag-aaral. Lubos kaming nagpapasalamat dahil palagi naming naaasahan ang Hanabishi na tumulong sa pagpapabuti ng antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino,” sambit ni Escudero-Catibog.
Ibinahagi rin ni GMAKF Founder and Ambassador Mel Tiangco ang kanyang pasasalamat sa tulong na ibinibigay ng nangungunang home appliance brand.
“Tunay na malayo na ang narating ng partnership namin ng Hanabishi dahil parehong maigting ang aming pagnanais na matulungan ang bawat Pilipinong nangangailangan. Habang tumitibay ang aming samahan, akin ring hinihiling ang patuloy na pag-unlad ng Hanabishi upang mas marami pa silang matulungan,” pahayag ni Tiangco.
Sa loob ng pitong taon nitong pakikipagtulungan sa GMAKF, nakapagbigay na ang Hanabishi ng mga appliance set sa 200 bahay sa Iligan at 600 bahay sa Tacloban at Leyte, mga appliance para sa Kapuso Village Integrate School sa Tacloban at mga kagamitang nagkakahalagang P1 milyon para sa mga komunidad na nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang tatlong mababang paaralan ng Rebuild Marawi Project ay ilan lamang sa mga benepisyaryo ng 100 silid-aralang target ng kampanyang “Kulayan ang Kinabukasan” ng GMAKF na sinusuportahan din ng Hanabishi.