Tuluyan nang lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR)ang bagyong ‘Maymay’ ngunit patuloy na magdudulot ng mga pag-ulan sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa ang habagat.
Sa pahayag ni Meno Mendoza, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bandang 5:00 ng umaga kahapon nang mamataan ang Maymay sa layong 1,330 kilometro ng silangang– hilagang-silangan ng Basco, Batanes, kumikilos pahilaga-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour (kph).
Bagamat bahagyang humina, napanatili ng bagyo ang hanging may lakas na 180 kph at pagbugsong umaabot sa 220 kph, habang tinutumbok ang Japan.
Wala naman umanong magiging direktang epekto ang bagyo sa alinmang bahagi ng Pilipinas.
Gayunman, dahil sa habagat ay magkakaroon ng kalat-kalat hanggang sa katamtaman at minsa’y malakas na ulan sa mga lugar ng Metro Manila, Pangasinan, Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, Masbate, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at Visayas.
-Ellalyn De Vera-Ruiz