MATAPOS ihayag nina Secretary of Finance Carlos Dominquez III at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang kanilang pangamba hinggil sa magiging epekto sa ekonomiya ng pagtatatag ng pederal na sistema ng pamahalaan sa Pilipinas, inilabas ng National economic and Development (NEDA) nitong nakaraang Miyerkules ang ilang inaasahang gastos para sa mungkahing hakbang.
Ang isang pagpapalit sa sistemang pederal sa ilalim ng bagong Konstitusyon, ayon kay NEDA Undersecretary Rosenarie Edillon, ay mangangailangan ng dagdag na P156.6 hanggang P253 bilyong gastos. Mangangailangan ang unang taon ng transisyon ng pondo para sa konstruksiyon o pagpapalawak ng mga administratibong gusali upang magkasya ang 18 rehiyunal na pamahalaan sa ilalim ng mungkahing konstitusyon na binuo ng Consultative Committee (Con-Com), na nilikha ni Pangulong Duterte. Kakailanganin din ang dagdag na mga sasakyan para sa mga ilang opisina ng 18 bagong rehiyon.
Magkakaroon ng 18 rehiyunal na gabinete na pamumunuan ng isang kalihim at bawat isa ay may ilang ahensiya na pamumunuan ng isang undersecretary. Bawat isang secretary, undersecretary, assistant secretary at mga staff ay makatatanggap ng tiyak na suweldo. Ito ay sa pagpapalagay na tamang tao na may tamang kakayahan ang matatagpuan sa lahat ng 18 rehiyon.
Samantala, makalipas ang tatlong araw, naglabas ng sariling pagtataya ang Consultative Committee. Sa isang pulong- balitaan, sinabi ni Prof. Edmund Tayao na magkakahalaga lamang ang pederalisasyon ng P13.29 na bilyon, na ilalaan sa mga sumusunod: P4.06 na bilyon para sa sahod ng 108 bagong miyembro ng Kongreso, P2.9 bilyon para sa 12 bagong senador, P1.8 bilyon para sa 45 bagong regional assemblyman, P1 bilyon para sa isang intergovernmental commission, P3.6 na bilyon para sa pondo ng 18 rehiyon at P850 milyon para sa contingency fund.
Hindi kasama sa naging pagtataya ng Con-Com ang pondo para sa bagong administratibong gusali ng 18 rehiyon, sahod ng 18 regional cabinet secretaries, undersecretaries at iba pang opisyal, mga kagamitan sa opisina, at sasakyan para sa mga bagong rehiyunal na ahensiya at mga opisina—gastos na isinama ng NEDA sa naging komputasyon nito.
Sa naging presentasyon ng NEDA, sinabi ni Secretary Dominguez na, “Basically we need more clarity—that is all... We are not against federalism. It’s just that this things need to be clarified.” Tugon ito ng Kalihim sa sinasabi ng isang miyembro ng Con-Com na siya at si Secretary Pernia ay tila kontra sa pederalismo at dahil dito, dapat umanong magbitiw ang dalawa bilang bahagi ng gabinete ni Pangulong Duterte.
Tunay na may mahalagang bagay na kailangan maging malinaw para sa hakbang na baguhin ang Konstitusyon at itatag ang pederal na sistema ng pamahalaan. Tila lumalabas na nakatuon ang Consultative Committee sa legal, politikal, panlipunan, kultural at iba pang mga aspekto sa mungkahi nitong bagong Konstitusyon, at hindi masyadong naikonsidera ang epekto nito sa ekonomiya. Ang naging pagtataya nito sa gastos ay higit na mababa kumpara sa inilabas ng NEDA, ang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman at higit na pamilyar sa mga pagpopondo.
Nalalapit na ang pag-upo ng Kongreso bilang isang Constituent Assembly at maaaring bigyan ng malaking konsiderasyon at atensiyon ang mga isyung pang-ekonomiya na isiniwalat nina Secretary Dominguez at Pernia. Sinabi mismo ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo na baka wala nang panahon para sa kasalukuyang Kongreso na magawa nang tama ang trabaho nito para sa pagbabalangkas ng bagong Konstitusyon. Ngunit siniguro nito na sisimulan ng kasalukuyang 17th Congress ang proseso at umaasa siyang maipagpapatuloy ito ng 18th Congress na mahahalal sa Mayo, 2019.
Nagsimula nang maglabasan ang maraming katanungan—partikular sa mga bagay na may kinalaman sa ekonomiya—na nangangailangan ng malaking suporta para sa higit na pag-aaral. Huwag nating madaliin ang prosesong ito ng pagbuo ng bagong Konstitusyon na magiging pangunahing batas ng ating bansa.