Habang hindi pa ito nakatutukoy ng “supervening conditions” para agarang magpatupad ng dagdag-sahod sa mga manggagawa sa Metro Manila, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na patuloy na pinag-aaralan ng wage board sa National Capital Region (NCR) ang sitwasyon.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“So far, there is none (supervening conditions),” ani Bello. “They said they are just waiting for the anniversary (wage order)...They said they will just continue assessing the situation.”
Sa ilalim ng Wage Rationalization Law, maaaring i-adjust ng wage boards ang suweldo kung apektado na ang kakayahan ng mga manggagawa na makaagapay sa inflation, kahit na ito ay matapat sa 12- month prohibited period mula sa huling wage order.
Ang huling wage order na inisyu sa NCR ay ipinatupad noong Oktubre 5, 2017.
Nitong Mayo, ipinag-utos ni Sec. Bello III sa wage boards na magsama-sama at alamin ang epekto ng tumataas ng bilihin sa kita ng mga manggagawa, ayon na rin sa utos ni Pangulong Duterte.
Kabilang sa regional wage boards na nag-isyu ng kani-kanilang wage orders ngayon taon na may dagdag na P9 hanggang P56 kada araw ay ang Central Luzon (P20), Calabarzon (P9-P45), Western Visayas (P8.50-P26.50), Central Visayas (P10-P52), Eastern Visayas (P20-P30), Zamboanga Peninsula (P20), Davao Region (P56.43), Soccsksargen (P16-P18), Autonomous Region in Muslim Mindanao (P15), at Cordillera Administrative Region (P20- P30).
-Leslie Ann G. Aquino