JERUSALEM – Nagpasalamat si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa gobyerno ng Israel sa pagtanggap sa tinatayang 29,000 Pilipino sa Holy Land.

Ito ang ipinahayag ni Duterte sa pagsisimula ng kanyang apat na araw na makasaysayang pagbisita sa Holy Land nitong Linggo ng gabi (oras sa Israel).

Sa pakikipagpulong niya sa halos 1,400 Pilipino rito, sinabi ni Duterte na wala pa siyang naririnig na negatibo tungkol sa working conditions ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel.

“I would also like to say thank you for hosting so many of my countrymen in the State of Israel and that… I have yet to hear any na problema manggaling man sa anu-anong klaseng Pilipino nandito,” aniya.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

“I would like to say with gratitude sa (to) Israel for inviting me and for being good to my countrymen,” idinagdag niya.

Pinuri ni Duterte ang Israel bilang isa sa pinakamagandang lugar na kanyang napuntahan at nagbirong maaaring ipadala niya ang lahat ng mga Pilipino sa Holy Land.

“It behooves upon me to see to it na ‘yung mga kababayan kong Pilipino are in the best of health and in a state of living na maganda,” aniya

“One of the best places that we have to… And I don’t mind isa sa pinakamagandang lugar na puwede mo talagang mapuntahan and you are treated as a human being,” aniya pa.

“Kaya if hindi naman minasama, if it does not really a wrong proposal, pardon me, but if Israel would want, ipadala ko na lahat ang Pilipino dito kasi mas maganda ang buhay dito,” pagpapatuloy niya.

Pinasalamatan din ni Duterte ang Israel sa tulong sa digmaan sa Marawi City, Lanao del Sur noong nakarang taon.

“They provided the most of the intelligence gadgets that we used to win the Marawi siege,” aniya.

Kasabay nito hihilingin ni Duterte sa Israeli government na ibaba ang placement fee sa OFWs.

Sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Leo Hans Cacdac, matagal ng problema ng OFWs ang mataas na singil sa placement fees na umaabot sa US$ 8,000 dolyar o P400,000 sa mga nagnais magtrabaho sa Israel.

-Argyll Cyrus B. Geducos at Bella Gamotea