Dahil sa magkakasunod na insidente ng pambobomba sa kanilang nasasakupan, agad na sinibak ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang dalawang opisyal ng pulisya sa Sultan Kudarat, nitong Linggo ng gabi.

Kabilang sa sinibak sina Sultan Kudarat Provincial Police Office director, Senior Supt. Noel Kinzano at Isulan, Sultan Kudarat Municipal Police chief, Supt. Celestino Daniel.

Ang naturang hakbang ni Albayalde ay kasunod ng panibagong pambobomba sa bayan ng Isulan, sa loob ng Renz Internet Café sa panulukan ng Valencia at Valdez Streets, Barangay Kalawag 2, na ikinasawi nina John Mark, 18; at Marialyn Luda, 15; at ikinasugat ng 12 na iba pa, nitong Linggo ng gabi.

Matatandaang unang nangyari ang pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat nitong Agosto 28 na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng 36 iba pa.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Paglilinaw naman ni Police Provincial Office-5 (PRO5) spokesperson, Senior Inspector Malu Calubaquib, hindi sinibak sa puwesto si Senior Supt. Froilan Navarroza bilang provincial director ng Masbate Provincial Police Office.

Sa halip ay binigyan lamang ito ni Albayalde ng warning na kapag may nangyaring kahalintulad na insidente sa kanyang nasasakupan ay masisibak din ito sa kanyang posisyon.

Ayon kay Calubaquib, walang sapat na batayan upang sibakin si Navarroza sa puwesto nito.

Ang reaksyon ni Calubaquib ay bilang tugon sa balitang sinibak na si Navarroza kasunod na rin ng pambobomba sa Bapor Port sa Masbate City, na ikinasira ng dalawang speedboat ng militar, kahapon ng madaling araw.

“Pinapa-imbestigahan niya ‘yung mga coast guard na naka-duty sa area ‘yun kasi sa kanila talaga yung area na ‘yun kung may mga lapses na na-encounter dun kung bakit may mga nakaka-lusot na mga nagpapasabog,” ayon pa kay Calubaquib, na ang tinutukoy ay si PRO5 director, Chief Supt. Arnel Cascolan.

Nitong nakaraang Agosto 2, binomba na rin ang nasabi ring lugar sa Masbate na ikinasugat ng dalawang katao at ikinasira ng isang speedboat.

-FER TABOY, MARTIN SADONGDONG, at NIÑO N. LUCES