NASA 48,999 na pamilya mula sa Rehiyon ng Ilocos ang magiging benepisyaryo ng Unconditional Cash Transfer (UCT), na bagong programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipatutupad sa loob ng tatlong taon, simula sa susunod na buwan.
Ang UCT ay tumutukoy sa social welfare benefit sa ilalim ng national government Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, o ang Republic Act 10963, na nagkakaloob ng tulong pinansyal sa mahihirap na Pilipino na nagkakahalaga ng P200 kada buwan para sa 2018; at P300 kada buwan sa 2019 at 2020.
Matapos dumaan sa balidasyon, kinilala ng DSWD Region 1 ang 48,999 na benepisyaryo, na karamihan ay mula sa Pangasinan na may kabuuang 35,309; La union, 5,984; Ilocos Sur, 3,954; at Ilocos Norte, 3,752.
Mula sa ulat ng National Household Targeting Section (NHTS), sinabi ni Regional Information Technology Officer Aristedeo V. Tinol na mayroong 68,480 mahihirap na pamilya mula sa 76,103 target na kinilala sa UCT database.
Nasa 7,623 pamilya naman ang hindi na-validate dahil hindi matunton ang mga dating benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, bakante ang ilang housing units nang puntahan para sa balidasyon, ang ilan naman ay walang tagatugon o tumangging magpa-interview, habang ang iba ay nalipat na sa ibang rehiyon.
“All the funds for UCT grants are lodged with the Land Bank of the Philippines,” ani DSWD-Region 1 Director Marcelo Nicomedes J. Castillo.
Aniya, bago ang implementasiyon ng UCT payout, nakipagkita ang opisyal ng DSWD sa mga manager ng Land Bank hinggil sa paraan ng pamamahagi at ang tiyak na paraan para sa lahat ng UCT beneficiaries sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Social Pension Program, at Listahanan.
PNA