NAPUNO ng sorpresa ang ika-34 “Barrio Fiesta sa London”, na tinampukan ng mga pagtatanghal nina Iñigo Pascual, KZ Tandingan, Yeng Constantino, ng tambalang MayWard nina Maymay Entrata at Edward Barber, at ng cast ng FPJ’s Ang Probinsiyano, sa pangunguna ni Coco Martin.

Mga ngiting abot-tenga, masasayang kuwentuhan, at pagkikitang puno ng pananabik ang ilan lang sa mga nasaksihan sa pagbabalik ng “Barrio Fiesta sa London 2018”, ang pinakamalaking Filipino fiesta sa United Kingdom, nitong Hulyo 21-22 sa Hampton Court Palace Hurst Road sa Walton-on-Thames, Surrey.

Ang “Barrio Fiesta sa London” ay kilala bilang pagdiriwang ng pagsasama-sama ng mga Pinoy sa United Kingdom, na pumukaw din sa interes ng mga non-Filipino na nais na higit na kilalanin ang kulturang Pilipino.

“It warms our hearts to see the crowd’s excitement as we open the gates once again for the Barrio Fiesta sa London 2018. This inspires us to continue bringing together this event where people of different nationalities bask in the rich Filipino culture,” wika ni Hermano Mayor at Philippine Centre Vice Chairman Joseph Pariñas.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Saad naman ni The Filipino Channel (TFC) Europe Country Manager Luis Bariuan: “TFC is grateful to be working with Philippine Centre for years now in ensuring a meaningful and exciting Barrio Fiesta sa London, where Filipino communities gather and keep the Filipino culture alive by sharing it to the world.”

Para sa bonggang “Barrio Fiesta sa London 2018”, inihain ang iba’t ibang pagkaing Pilipino tulad ng dinuguan, laing at sari-saring kakanin. Nagpakitang-gilas din ng ilang galaw sa pambansang sport ng mga Pilipino na Arnis, habang ipinakilala ng grupong Kaamulan Bukidnon ang tradisyunal na pagdiriwang ng Kaamulan Festival.

Nagmistulang concert din ang okasyon sa pagtatanghal ng mga Kapamilya talents para sa mga Pinoy sa UK.

Pinakilig ni Iñigo ang marami nang inawit niya ang hit single niyang Dahil Sa ‘Yo, gayundin ang bago niyang kanta na That Hero.

Malakas na hiyawan naman ang sumalubong kay KZ nang lumabas siya sa stage habang kinakanta ang Rolling in the Deep ni Adele, na sinundan niya ng bersiyon niya ng Royals ni Lorde, at ng original hit niyang Mahal Ko o Mahal Ako.

All-time favourites namang Hawak Kamay at Ikaw ang inawit ni Yeng, samantalang kinanta ng MayWard ang Mahal Kita Kasi ni Toni Gonzaga at ang original single nilang Baliw.

Nakadaupang-palad din ng mga Pinoy sa UK si Coco at ang iba pang cast ng Ang Probinsiyano, habang nagtanghal din sina Lito Lapid, Yassi Pressman, John Prats, PJ Endrinal, at Mark Lapid.