NAPAKALAKI ng pasasalamat ni Ken Chan sa GMA Network sa pagbibigay sa kanya ng naiibang role sa My Special Tatay, na mapapanood na simula ngayong Lunes. Dito ay gaganap si Ken na may mild intellectual disability with mild autism spectrum disorder, at kalaunan ay magiging tatay.

Ken & Arra - MST

“Alam ko pong napakalaking challenge sa akin ang ibinigay ng GMA, pero nangako ako sa kanila na gagampanan ko nang mabuti ang role na ibinigay nila,” sabi ni Ken. “Tulad po nang nasabi ko na nagkaroon ako ng immersion sa isang school diyan sa Mandaluyong City and every now and then pumupunta pa rin ako roon. Kasama ko si Direk LA Madridejos. Ang nakakatuwa po, nakikilala na ako roon at ang babait ng mga batang nakakasama ko. Marami akong natututunan sa kanila na nagagamit ko sa pagpu-portray ko bilang si Boyet.”

Paano ba naging tatay si Boyet? Hindi ba mahirap sa kanya iyon?

Relasyon at Hiwalayan

Arra San Agustin, ayaw ng may kahati sa relasyon: 'Alam ko worth ko!'

“Mahilig po ako sa bata, kaya hindi po naman masyadong mahirap. Nang gawin ko ang Meant To Be, bago natapos ang romcom namin, lumabas na may anak pala ako, kambal pa. At kaming lahat sa cast, alaga namin ang kambal.

“At dito rin sa My Special Tatay, very supportive po ang mga kasama ko sa cast, like ang leading lady ko, si Arra (San Agustin) na sa story, ay best friend ko since childhood naming. Mahilig din siya sa bata kaya katulong ko siya sa pag-aalaga sa baby namin sa set.”

Hindi rin nakaiwas si Ken na mapag-usapan ang ama niyang may sakit. Halata mong nahihirapang magkuwento ang aktor dahil sa gumagaralgal nitong boses.

Aniya, nagpapasalamat sila ng family niya dahil maayos na ang daddy niya at magsisimula na ng chemotherapy sa stage 2 cancer nito.

Balik naman istorya ng serye, pagbabahagi niya, “Malalaman po ninyo kung paano ako magkakaroon ng anak dito, sino ang nanay niya, tapos aangkinin ko nang anak ko siya at ako ang tatay. Magsisimula na kami sa Monday, September 3, after ng The StepDaughters.”

“Aaminin ko pong doble ang kaba ko sa pagsisimula ng serye namin dahil isa itong advocacy series at kailangang ipaintindi namin sa mga viewers kung ano talaga ang pinagdaraanan ng mga taong may intellectual disability. Sana po ay samahan ninyo kami na ipaunawa ito sa mga manonood.”

Makakasama ni Ken si Lilet na gaganap bilang kanyang ina, si Jestoni Alarcon, ang kanyang ama, stepmother na si Teresa Loyzaga, stepbrother na si Bruno Gabriel at stepsister si Jillian Ward, habang lola naman niya si Carmen Soriano. Kasama rin sa serye si Candy Pangilinan at may guest performances sina Matt Evans, Empress Schuck, Valeen Montenegro at Ashley Rivera. Gaganap namang best friend ni Boyet ang child actor na si JK Giducos.

-NORA V. CALDERON