SA pagdinig na ginawa ng House Committee on Dangerous drugs, iginiit ni Director General Aaron Aquino ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na iyong natunton nilang apat na cylindrical container sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite ay naglaman ng shabu. Kasi, aniya, natuklasan ito ng mga sniffer dogs. “Kahit walang corpus delicti (body of evidence), ang mga ito ay pinagtaguan ng droga dahil kawangis sila ng nasabat namin na may laman sa MICP. Ang pagkakaiba lang ay walang laman ang mga ito,” sabi ni Aquino. Nauna nang inihayag ni Pangulong Duterte na haka-haka lamang ito ni Aquino. Kapag, aniya, walang shabu, walang shabu. Dahil sinalungat ng Pangulo ang naunang pahayag ni Aquino na ang apat na cylindrical container ay naglaman ng shabu, lihim itong nagbakasyon. Kaya, may duda noon na siya ay pinagbitiw o sapilitang pinagbakasyon ng Pangulo.
Sa pagdiriwang naman ng ika-49 na araw ng Mandawe City Charter, sa kanyang talumpati, binatikos ni Pangulong Digong si Cebu City Mayor Tomas Osmena. “Hey Tomas. Hindi na panahon ng Kastila ngayon. Ang iyong istilo at pananalita ay parang napakataas at napakalakas mo. Sinabihan mo pa akong umano ay protektor ng shabu,” wika ng Pangulo. Ipinaliwanag naman ni Osmena na ipinakikita lamang niya ang problema ng ilegal na droga at kriminalidad sa Cebu, na ayaw tanggapin ng pulisya at ipinipilit na ituring na ligtas at walang panganib.
Hindi naman natinag si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa pahayag ng Pangulo na masaya nitong ibubunyag ang mga sexual abuse ng mga pare sa Pilipinas, kasunod ito ng reklamo laban sa mga pare sa United States na yumanig sa Simbahang Katoliko. “Malugod naming tinatanggap ang anumang imbestigasyon. Hindi kami gaya ni Duterte na ayaw paimbestiga. Huwag lang basta maninira at magbintang nang walang batayan,” sabi ni Pabillo.
Mamuno ka o mamahala sa pahintulot ng iyong nasasakupan o sa pamamagitan ng paghasik ng takot sa kanila, mahalaga pa rin ang iyong kredibilidad kung igagalang o katatakutan ka. Masyado nang mababa ang kredibilidad ng Pangulo upang siya’y igalang o katakutan. Matapang nang sinalungat ni PDEA Director Aquino ang Pangulo kahit alam niya ang kahihinatnan ng kanyang ginawa. Alam niya ang naging kapalaran ng mga nauna sa kanya na hayagang sumalungat sa Pangulo. Ang pinalitan niyang si retired general Dionisio Santiago ay sinibak ng Pangulo dahil nagbigay siya ng opinyon na sayang ang pondong ginastos sa rehabilitation center na ipinatayo nito sa Laur, Nueva Ecija. May mas mahalaga pang proyekto raw na dapat na doon inilaan. Iginiit pa rin ni Aquino na shabu ang laman ng apat na cylindrical container kahit sinabi na ng Pangulo na haka-haka lamang niya ito.
Matibay na pinandigan ni Cebu Mayor Osmena na protektor ng illegal drug ang Pangulo nang sabihin niyang ipinamumukha lang niya ang problema ng droga at kriminalidad sa kanyang siyudad, kahit pinagbantaan siyang sasampalin nito. Hindi gaya ng Pangulo na ayaw paimbestiga, sabi naman ni Bishop Pabillo, bukas ang Simbahan na maimbestigahan ang mga pare sa ibubunyag nitong sexual abuse.
Bumagsak ang kredibilidad ng Pangulo sa pagpapairal niya ng kanyang war on drugs kahit napakarami nang napatay na sangkot sa droga. Kasi, bulto-bulto at bilyon-bilyon ang halaga ng mga ilegal na droga ang pumasok at patuloy na pumapasok sa bansa sa tongke ng ilong ng mga opisyal ng gobyerno.
-Ric Valmonte