MAGTATAPOS na sa September 7 ang Contessa, dahil sa September 10 na eere ang kapalit nito sa Afternoon Prime, ang Ika-5 Utos.
Kung tapos na ang taping ng Contessa, tama ngang kundi sa first week ay sa second week ng September ang alis ni Glaiza de Castro for London para mag-aral ng music production.
Sa London nakakita si Glaiza ng school na nag-o-offer ng short course sa music production, na gusto niyang pag-aralan. Kapag nakausap ang aktres bago umalis, itatanong natin kung saang school siya mag-e-enrol at anong course ang kukunin niya.
Nagugulat lang si Glaiza sa sari-saring isyu na lumalabas kaugnay ng pagpunta niya sa London. May nag-aakala pa na dahilan lang niya ang pagpunta sa London para iwan ang GMA-7 at lumipat sa ABS-CBN.
Sagot naman ni Glaiza sa isyu, may kontrata pa siya sa GMA-7 at ilang linggo lang siya sa London. Ibig sabihin, pagkatapos ng Contessa, may susunod pa siyang gagawin sa Kapuso network.
May nag-isip naman na baka buntis siya at magtatago sa London para hindi makita ang paglaki ng tiyan.
“Pwedeng jowa muna? Baka sakaling magkatotoo, LOL!” sagot ni Glaiza.
Samantala, kasama si Glaiza sa gumawa ng soundtrack ng Goyo: Ang Batang Heneral. Kung hindi kami nagkakamali, siya ang kumanta ng Bato Sa Buhangin towards the ending of the movie.
Nag-post din si Glaiza ng photo kasama ang direktor ng pelikula, si Jerrold Tarog, at nakasaad sa caption: “Naalala ko lang, ngayong taon, isa pala sa mga hiniling kong gawin ay maging parte ng soundtrack ng pelikula. Nagsimula sa Liway at ngayon sa #GoyoAngBatangHeneral na ipalalabas na sa September 5.
“Maraming salamat sa oportunidad na makapagbahagi ng talent sa ibang paraan. Sabay-sabay nating balikan at matuto sa ating kasaysayan.”
Samantala, after this Saturday, five days na lang natitira sa Contessa, at hindi pa rin nakaksiguro ang Team Contessa (Glaiza) at Team Gabriel (Geoff Eigenmann) kung happy ang ending ng kanilang relasyon.
-Nitz Miralles