SA wakas ay napanood na rin namin ang The Hows of Us nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na inakala namin ay hindi na naman kami aabot dahil almost sold out na naman ang last full show na 10:25, gayung bago mag-alas otso pa lang ay isa na kami sa nakapila sa Trinoma Cinema.

Sakto pagdating namin sa harap ng takilyera, sabi ng attendant, “ma’am magkahiwalay na po ang mga upuan, gusto n’yo po, sa lazy boy na lang kayo, ‘yun na lang po ang available”.

Naloko na, mas napamahal pa kami dahil P450 ang dinig naming bayad kaya walang choice kundi panoorin na dahil nasa harapan na kami ni ‘ate girl.’ Susme, akala naman namin ay marami pang upuang natira sa lazy boy section, halos puno na rin pala.

Sa madaling salita, maraming pera ang mga tao at namimili lang sila kung anong pelikula ang gusto nilang panoorin na pawang mainstream at mga sikat ang artista o matatawag na idolo nila.

Kalokalike ni Awra Briguela, mas maganda pa raw sa kaniya

Kung ganito ang basehan ng mga taong manonood ng sine, e, paano naman ang mga indie filmmakers at producers na umaasang kumita rin sana ang mga pelikula nila ng almost P36M gaya ng unang araw na kinita ng The Hows of Us? May pag-asa rin kaya silang makakubra ng P116,943, 914.02 sa 3rd day of showing? O baka naman first day, last day ang drama nila sa mga sinehan?

Ito ang laging inaangal ng karamihan ng indie filmmakers at producers na dapat tangkilikin din ang maliliit na pelikula kaya kailangan nilang itodo ang promotion ng mga pelikula sa lahat ng platform. Sa totoo lang, kahit anong push ay tao pa rin ang mamimili kung ano ang gusto nilang panoorin at the end of the day.

Anyway, hindi lang ang indie filmmakers at producers ang nakararanas ng ganitong problema, maging ang major movie companies din ay hindi exempted sa problemang ito. ‘Yun nga lang, mas mahaba kasi ang pisi nila kaya maski flop ang pelikula ay nakakagawa ulit ng panibago.

Going back to The Hows of Us, all ages ang nanood ng pelikula at hindi naman namin masabi na pawang supporters lang ng KathNiel ang dumadagsa. Ito ay dahil nakakita kami ng grupo ng kalalakihan na nanoood at inakala namin na may kasama silang mga mga dyowa, waley pala. Hmm, baka naman si Kathryn ang type nila dahil sa totoo lang, ang ganda-ganda at ang fresh ng aktres sa pelikula. Puwede ring si Daniel ang iniidolo nila dahil maaaring ang personalidad nito ang gustung-gusto nila.

Pitong beses na naghalikan sina Daniel at Kathryn sa pelikula at talagang hiyawan ang lahat ng tao sa sinehan, marami ring nakakatawang hirit ng mga nagsiganap, pero mas marami ang nakakaiyak na eksena kaya sa bawat lingon namin sa kaliwa, kanan at likod ay panay ang pagpupunas ng mga nanonood.

Ang tanong ng madlang pipol, anong bagong mapapanood kina Daniel at Kathryn sa susunod nilang pelikula dahil may kissing scene na, eh.

Target daw ng Star Cinema ay maka-200M sila sa kabuuan ng pagpapalabas ng The Hows of Us, pero sa takbo ng kinikita ng pelikula sa bawat araw na P30-40M ay posibleng umabot pa sa P300M ang kanilang kita.

-REGGEE BONOAN