Magsasagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng special exclusive registration para sa mga may kapansanan, o persons with disabilities (PWDs), at mga senior citizen, sa susunod na linggo.

Ayon sa abiso ng Comelec, ang special exclusive registration sa Miyerkules, Setyembre 5, ay isasagawa sa lahat ng tanggapan ng mga election officer sa buong bansa.

Tatanggap ang Comelec ng mga bagong registrant, ng mga magre-reactivate ng voters’ registration, ng aplikante ng transfer at correction o change of entries sa Miyerkules.

Pinaalalahanan naman ng Comelec ang mga bagong magpaparehistro at nais magpa-reactivate o magpa-transfer ng rehistro, na magdala ng kanilang mga ID, tulad ng company o student ID, driver’s license, senior citizen’s ID, postal ID, SSS/GSIS ID, NBI clearance, pasaporte, o PWD ID, sa pagpaparehistro.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang mga magpapabago o magpapawasto ng entries ay dapat na magdala ng birth certificate, kung ang kanilang record ay may maling entries o typographical error, habang marriage contract naman ang dapat na dalhin kung magpapalit ng pangalan ang babaeng ikinasal.

Bahagi ng paghahanda para sa mid-term elections sa Mayo 2019, matatandaang Hulyo 2, 2018 nang muling buksan ng Comelec ang pagpapatuloy ng voter’s registration, na magtatagal hanggang sa Setyembre 29, 2018. - Mary Ann Santiago