KINILALA ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) provincial offices ang San Fernando bilang “most outstanding local government unit” sa buong Pampanga.
Iginawad ang parangal matapos na idaos ng Pampanga External Monitoring Team, na binuo ng DTI at DILG, ang unang provincial recognition para sa katangi-tanging local government units (LGU) sa probinsiya.
Nanguna ang San Fernando sa apat na kategorya kabilang ang—Most Outstanding LGU Implementing the Streamlining Program in the Issuance of Mayor’s Permit, Most Outstanding LGU for IT Innovations, Best LGU in Customer Relations, at Most Successful LGU in the Institutionalization of Business Permit Licensing System Reforms.
Ayon sa monitoring team, ang pagkilala ay paghikayat sa mga lokal na pamahalaan ng probinsiya na iangat at mas paghusayin ang kanilang mga negosyo at isulong ang adbokasiya para sa negosyo at investment-enabling environment.
Samantala, sinabi naman ni Mayor Edwin Santiago na ang Fernandino ay natural na magaling makisama at dadalhin ang mga positibong katangian ng mga opisyal at mga empleyado sa kanilang mga trabaho.
“Likas na matulungin ang mga Fernandino kaya nadadala nila ito sa kanilang mga trabaho at sa pakikisalamuha sa mga tao. Kung magtutulungan ang bawat isa, magiging mabilis at episyente ang bawat transaksyon sa syudad,” ani Santiago.
Opisyal namang iginawad ang mga parangal sa lokal na pamahalaan ng San Fernando nitong Miyerkules. - PNA