NAGPAMALAS ng solidong laro para sa koponan ng Saints si Michael Calisaan ng San Sebastian College nang kanilang pataubin ang Heroes, 94-89, noong Biyernes ng gabi sa Season 94 NCAA All-Star Game sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Nagposte si Calisaan ng double-double 17 puntos at 13 rebounds upang giyahan ang koponang ginabayan ni San Beda University coach Boyet Fernandez sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa All Star kasunod ng 84-80 tagumpay nila noong isang taon.

Dahil sa kanyang impresibong performance si Calisaan ang ginawaran ng All-Star MVP award. Kasama ni Calisaan sa Saints ang isang all-star line-up na kinabibilangan nina San Beda ace guard Robert Bolick at forward Javee Mocon, Letran forward Bong Quinto at ang kakampibnya sa San Sebastian na si Allyn Bulanadi.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

"Unang-una, nagpapasalamat ako sa players ko sa Saints dahil naglaro sila. At least, nag-enjoy sila at nanalo kami. Yun talaga yung goal namin, to enjoy the All-Star para sa fans at sa players,” pahayag ni Fernandez.

Nanguna naman si Jaycee Marcelino na umiskor ng 15 puntos para sa Heroes na na-miss ang paglalaro ni reigning MVP Jaymar Perez at maging ang paggabay ni coach Topex Robinson ng Lyceum na nagkataong may laro ang team na Phoenix sa PBA kasabay ng All-Star. - Marivic Awitan