SA pag-alis ni Pangulong Duterte ngayong araw para sa kanyang state visit sa Israel sa Setyembre 2-5, kasama niyang lilipad ang ilang matatandang opisyal ng militar at pulis. “That is my gift to them for serving the country well,” aniya, ngunit umaasa tayo na higit sa isang regalo ang pagbisita; isa itong mahigpit na pagpapakilala sa Israel Defense Forces (IDF) na tinaguriang ‘most battle-tested’ at ‘battle-trained’ sa buong mundo.
Dumaan na ang Israel sa apat na digmaan simula nang maging estado ito noong 1949—isang digmaan para sa kalayaan matapos ang itong atakehin ng pinagsamang puwersa ng mga nakapaligid na Arabong estado; ang 1956 Sinai Campaign; ang 1967 Six-Day War; at ang 1973 Yom kippur War. Napagtagumpayan nila ang apat na digmaan kahit imposible na.
Sa ngayon, ikinokonsidera ang IDF bilang isa sa mga pinakamakapangyarihang organisasyong militar sa buong mundo. Nangunguna sa ranggo ang air force nito sa buong mundo kasama ng mga makabagong eroplanong pandigma, ang hig-tech drones, ang space assets, at ang nukleyar na armas. Ilang armas ng Israel ang sinasabing higit na sopistikado at makabago kumpara sa kaaway nito. May sistema ito ng sapilitang serbisyong militar para sa kalalakihan at kababaihan. Patuloy na nasisilbi sa military ang mga reserba nito kahit pa tapos na ang kanilang tungkulin.
Matutunghayan ng mga militar at mga opisyal na pulis na magiging kasama ni Pangulong Duterte kung paano ang isang maliit na bansa na may 8.5 milyong tao ay nagawang madepensahan ang sarili at makatagal sa mapanganib na kapaligiran nito. Maaaring magreretiro na ang ating mga opisyal sa edad na 56 mula sa Armed Forces of the Philippines, ngunit marami sa mga ito ang maaaring pangalanan ni Pangulong Duterte para italaga sa mga posisyon ng pamahalaan kung saan nila maaaring magamit ang lahat ng kanilang naranasan sa Israel.
Hindi lamang hinggil sa militar maaaring may matutunan ang ating delegasyon sa Israel. Nagawa rin ng Israel na gawing isang produktibong agricultural na lugar ang mga disyerto nito. Sa panahong dumaranas tayo sa Pilipinas ng kakulangan sa produksiyon ng bigas at iba pang pagkain ng ating mga kababayan, dapat na mayroon tayong opisyal sa delegasyon ni Pangulong Duterte na makatitingin at matututo mula sa agrikultural na pag-unlad ng Israel.
Mayroon tayong espesyal na ugnayan sa Israel. Noong nililipol ng Nazi Germany ang mga Hudyo noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binuksan ni Pangulong Quezon ang bansa para sa 1,300 hudyo na tumakas. Nang maging pantay ang botohan sa United Nations para sa paglikha ng estado ng Israel, binasag ng Pilipinas, sa pamamagitan ni UN President Carlos P. Romulo, ang pantay na hatol at ang Israel matapos ng ilang siglong diaspora ay nakabalik sa Banal na Lupain. Sa kasalukuyan, mayroong 30,000 overseas Filipino workers sa Israel, kabilang ang maraming caregivers.
Ngayon, mayroong isang Open-Door Monument para sa Pilipinas sa Israel, mga pintuan para sa malugod na pagtanggap ni Quezon sa mga Hudyong tumakas, para sa ating naging boto sa UN at para sa ating mga OFW caregivers na kasalukuyang nasa Israel. Maaaring bisitahin ni Pangulong Duterte ang monumento sa kanyang pagpunta, ngunit pinakamalaking halaga ng kanyang pagbisita ay kung ano ang matutunan niya at ng kanyang delegasyon mula sa Israel bilang isang bansang nalampasan ang nakapangingilabot na mga karanasan upang maging kung ano ito sa kasalukuyan.