SA nakaraang launching ng bagong reality show na The Kids Choice hosted by Robi Domingo at Erik Nicolas, at pangungunahan ng talented kids ng ABS-CBN na sina Onyok Pineda, Xia Vigor, Jaden Villegas, Carlo Mendoza, at Chunsa Jung ay natanong namin ang business unit head ng programa na si Lui Andrada kung bakit ang mga nabanggit ang napili nila.
“Panoorin mo sa Sabado (kahapon) para malaman mo,” birong sabi ng TV executive.
“Actually, ang gagaling kasi nila. Napanood mo na ba sila before?”
Sa takbo ng Q and A ng The Kids Choice ay talagang napahanga nga kami sa mga sagot nila, hindi naman masasabing scripted dahil iniikot-ikot ang tanong sa limang bata na ibig sabihin ay marunong talaga silang sumagot.
Pati nga ang buong team ni Lui na nakaupo sa isang mesa ay nagugulat sa mga sagot ng mga bata, dahil napapaisip ang mga ito kung saan nanggagaling ang kanilang mga opinyon.
Mga taklesa ang mga bagets lalo na si Carlo, na talagang nakapagpatawa sa lahat. Ito rin ang dahilan kung bakit dapat naka-tape ang The Kids Choice or else baka ma-MTRCB sila at siyempre hindi rin puwedeng live dahil sa Department of Labor anf Employment (DoLE).
Ang gist ng bagong programa sa kada episode, ay apat na “Fam-bato” ang magpapakita ng iba’t ibang talento at susubukan ng mga itong pabilibin ang kiddie judges upang hirangin silang The Kids’ Choice.
Ngunit bukod sa tagisan ng galing, matutunghayan din ang kuwento ng bawat pamilyang kalahok na siguradong kapupulutan ng aral at inspirasyon ng mga manonood.
Tinanong naming kung ano ba ang hanap ng limang batang hurado sa mga performers para bigyan nila ng mataas na score.
“Sa akin po, ‘yung performances nila ang kailangan nilang dapat ayusin po pati ‘yung props kasi titingnan naming kung bagay po sa kanila at kung okay naman po, e, di bibigyan namin sila ng mataas na score,” say ni Xia.
Sabi naman ni Onyok, “Ang gusto ko po ‘yung parang lahat kami mapapahanga at mapapanganga na hindi na makapaniwala. Kung ganu’n po ang magagawa nila sa amin, bibigyan po namin sila ng mataas na score.”
Pero medyo mahigpit si Chunsa, “Dahil nga pop o family ‘yung magpe-perform, gusto ko pong makita na nag-e-enjoy sila at wag silang kakabahan, gusto ko po ‘yung kakaibang performance na hindi ko pa nakita sa iba o ginaya sa youtube o sa TV (shows) kasi po sa rami na ng kumanta at nag-magic, gusto ko po fresh naman po, kakaiba.
“Ang hinahanap din po namin ay ang confidence po, facial expressions at saka dito po sa show natin is about family at ang gusto namin ay kung nag-e-enjoy sila sa ginagawa nila, at ‘yung may teamwork at love nila sa isa’t isa, dahil malaking impact po iyon sa aming judges at doon ko ibabase kung anong score ang ibibigay sa kanila.”
Si Carlo naman na tila wala sa sarili, “Kanina tinanong nyo sina Chunsa at Xia, ngayon ako naman. Kagaya rin po ng kay Onyok, kay Xia at Chunsa. Ganu’n na rin.”
Sino ang favorite judge ng limang bata na malakas ang impact sa kanila o kanilang iniidolo?
Sabi ni Carlo, “Si ate Anne (Curtis) po kasi mabait siya sa mga bata at nagbibigay po ng chocolates.” Nagulat ang lahat, saan ba naging hurado ang TV host/actress, giit ni Carlo, “sa Showtime po (Hypebeast).
“Ako po halos lahat ng judge ay gusto ko po dahil nagiging inspirasyon po sila sa akin lalo na ngayong judge na rin ako. Lahat po ng judge before na adults po o matatanda. Lahat po sila idol ko po,” pahayag naman ni Chunsa.
Si Xia naman, “Favorite ko pong judge is Simon Cowell po. Kasi lagi po akong nanonood ng mga show niya at kung paano po siya maging fair and honest. Tapos lahat po ng artistang favorite ko sa Hollywood, siya po ang nagpasikat kaya gusto ko po ‘yung mga message. Gusto ko pong maging Simon Cowell ng Pilipinas.”
Ang paborito naman ni Onyok… “Sa totoo lang po lahat naman, pero ang pinakagusto ko po, si Kuya Gary V (sa Your Face Sounds Familiar Kids), kasi gusto ko siya mag-comment at magaling din po.”
“Si Kuya Andrew E (I Can See Your Voice/It’s Showtime Hypebeast) kasi po ‘yung pagko-comment niya, sabog po talaga,” sabi ni Jayden.
Marami pang nakakatawang opinyo ang mga batang hurado at mapapaisip ka talaga kung saan ba nila hinuhugot ang kanilang mga sagot.
Kaya mas magandang panoorin na lamang at antabayanan ang The Kids Choice ngayong gabi sa ABS-CBN.