Inatasan ng chairman ng House Committee on Illegal Drugs ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BoC) na magsagawa at magsumite ng kani-kanilang imbestigasyon sa umano’y P6.8 billion drug smuggling, sinabing ang dalawang ahensiya ay kinakailangan magkaloob ng ebidensiya na susuporta sa kanilang magkaibang pahayag sa insidente.

Ito ay matapos sabihin ng isang BoC official, na tumangging magpabanggit ng pangalan, na walang mali sa mga kuha ng X-ray scan result na isinagawa sa apat na magnetic lifters na sinasabing naglalaman ng P6.8 bilyong halaga ng shabu na isinumite ng Bureau of Customs kay Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers, illegal drugs panel chairman.

Ipinagpipilitan ng PDEA na ang P6.8 bilyong shabu na naipuslit sa bansa ay sa ilalim ng mga tauhan ng BoC. Sinabi ng ahensiya na inupuan ng isang drug sniffing dog ang magnetic lifters na nakalusot sa Manila International Container Port, hudyat na ito ay may ilegal na droga.

Gayunman, pinabulaanan ng BoC ang pahayag matapos na magnegatibo ang swab examination. - Ben R. Rosario

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists