Ipinangako ng mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi nila kailanman pagtatakpan ang mga pari na mapatutunayang may nagawang pang-aabuso.
Kaugnay ito ng isyu sa umano’y pang-aabuso ng ilang pari sa iba’t ibang bansa, na ibinunyag ng isang dating Apostolic Nuncio.
Tiniyak naman ni Davao Archbishop Romulo Valles, pangulo ng CBCP, na aaksiyunan nila ang mga kaso laban sa mga pari na mapatutunayang nang-abuso “and with renewed resolve and commitment to implement them and not cover them up,” saad sa kanyang pastoral statement nitong Biyernes.
Hinikayat din ni Valles ang lahat ng obispo na balikan ang umiiral na mga batas ng universal at local church tungkol sa sexual abuse.
Enero 2016 nang inilabas ang Pastoral Exhortation on the Pastoral Care and Protection of Minors, kung saan ipinangako ng CBCP ang pakikipagtulungan sa gobyerno para maresolba ang sinasabing pang-aabuso ng ilang pari.
Iginiit din sa pastoral statement na titiyaking ang Simbahan ay magiging ligtas na lugar para sa lahat ng Katoliko, lalo na ng kabataan, habang pangangalagaan naman ang mga naabuso at ang pamilya ng mga ito.
Humiling rin naman ni Valles ng pagdarasal at pag-aayuno kaugnay sa kinasasangkutan ngayong eskandalo ng Simbahan. - Mary Ann Santiago