Binabantayan na ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang pagtaas ng presyo ng karneng manok sa mga pamilihan sa bansa.
Bukod dito, tututukan din ng dalawang ahensiya ang paghuli sa mga mapagsamantalang negosyanteng nagbabagsak ng mataas na presyo ng manok sa palengke.
Pagbabanta ni DTI Secretary Ramon Lopez, kakasuhan nila ng profiteering ang mga negosyanteng mapapatunayang nagpataw ng sobra sa presyo ng manok, o lagpas sa suggested retail price (SRP).
Aniya, ang nasabing kaso ay may katumbas na multang hanggang P1 milyon.
Iginiit din ng kalihim na hindi dapat lumampas sa P140 ang kada kilo ng karne ng manok, lalo na’t matatag na ang supply nito sa merkado.
Sa mga susunod na araw, magpupulong ang DTI, DA at iba’t ibang grupo ng negosyante kaugnay ng usapin, habang iinspeksiyunin din ang mga bodega ng mga manukan bilang bahagi ng farm gate price monitoring.
Kaugnay nito, tumaas na rin ang presyo ng sili sa Nueva Ecija, na aabot na sa P600 ang kada kilo.
Paliwanag ni Elvie Macapagal, wholesaler/retailer, ang mga paninda nilang sili ay inaangkat pa nila sa Bagsakan Center sa Sangitan Public Market sa Cabanatuan City.
Reklamo naman ng mga magsasaka, wala na silang maaning sili dahil marami ang nasira dahil sa habagat.
-Bella Gamotea at Light A. Nolasco