UPANG isulong ang produksiyon ng gulay sa mga pampublikong paaralan, inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang Gulayan sa Paaralan Program (GPP) sa lungsod ng Sorsogon, na tanda ng muling pagbubukas ng programa sa pagitan ng DA at Department of Education (DepEd).
Ayon kay DA regional spokesperson Emily Bordado, ang mga kalahok na paaralan ay magtatayo ng mga hardin sa paaralan na magsisilbing pagkukunan ng mga gulay para sa mga feeding program sa mga malnourished o undernourished na mga estudyante.
“The DA will spearhead the implementation of the program and provide the production inputs such as seeds, organic fertilizers and garden tools and facilitate the conduct of trainings. The excess vegetables harvested could be sold by the school to generate income for the sustenance of the project,” pahayag niya sa isang panayam.
Nasa 90 pinuno ng mga paaralan at mga opisyal mula sa 60 elementarya at 30 sekondarya o senior high school mula sa iba’t ibang bayan sa Sorsogon ang nakiisa sa naging pagbubukas ng aktibidad, kasabay ng pagsasanay para sa vegetable gardening at nursery establishment sa compound ng DepEd sa Legazpi.
Ibinahagi rin ni Bordado ang pagkilala at suporta ni Sorsogon Governor Rebert Lee Rodriguez sa proyekto, na sinabing agrikultura at edukasyon ang proyoridad ng lokal na pamahalaan.
“The provincial government as one of the partners of this program will help in the implementation and monitoring of the program through its extension workers and may also provide assistance and resources,” ani Bordado.
Samantala, ipinaliwaag naman ni Dr. Mary Grace Rodriguez, officer-in charge of the Field Operations Division and Regional Coordinator of the High Value Crops Development Program (HVCDP) ng DA, na layunin ng Gulayan sa Paaralan, na nasa ilalim din ng HVCDP, na matugunan ang malnutrisyon sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagsusulong ng produksiyon ng masusustansiya at ligtas na pagkain.
Magsisilbi rin umano itong laboratoryo kung saan maaaring matuto at magamit ng mga mag-aaral ang kanilang kaalaman sa pagtatanim ng mga gulay at ipakita ang ‘small-scale food production models’. Matuturo rin nito sa mga estudyante ang kahalagahan ng pagtatanim, kalusugan, at pangangalaga sa kapaligiran.
Inanunsiyo naman ni Dr. Rodriguez na bilang insentibo sa mga nakilahok na paaralan, dalawang pinakamahusay na “Gulayan” project sa probinsiya ang bibigyan ng parangal sa pagtatapos ng anihan.
Ang GPP ay sinimulan ng DA at DepEd noong 2007 at pinatibay ang implementsyon nito noong 2016. Hinihikayat ng programa ang pakikilahok ng mga magulang at iba pang miyembro ng komunidad sa pagsasagawa ng mga proramang pang-edukasyon na may kaugnayan sa nutrition education, basic pest management, food preservation techniques, composting at environmental conservation.
PNA