KASAMA ni Chrisopher “Bong” Go sa entablado si Elcias Bugsad sa pagdiriwang ng ika-69 na pagkakatatag ng Pampanga Press Club sa Clark Freeport, nitong Martes. Sa pagnanais niyang ipakita na kasama niya si Pangulong Duterte, isinama niya ang “mayor” sa Davao City,
isang bilanggo na namamahala sa mga kapwa niya detainees. Animo’y ito ang Pangulo nang magsalita ito hinggil sa mga programa nito laban sa ilegal na droga at kurapsiyon sa magkahalong Pilipino at Ingles. “Si Go ay ang higit na nararapat lapitan para hingian ng tulong. Siya ay para sa kaunlaran,” sabi ni Bugsad sa pag-endorso niya kay Go, na nagsabing hindi pa siya desididong tumakbo bagamat iniikot na niya ang bansa. Sa kanyang pagtatapos, sinabi ni Bugsad: “Ang pakialam ninyo ay human rights. Ako human lives. Ako si Elcias Bugsad, aka Duterte 2. Ako ay Pilipino, iniibig ko ang Pilipinas dahil ito ang lupa kong sinilangan at tahanan ng aking mamamayan.”
Kaya, maliwanag na kakandidato itong si Bong Go. Maliwanag din ang pagnanais niyang makita siyang kasama ni Pangulong Duterte sa pagharap niya sa mamamayan. Ito ang layunin niya kaya isinama niya si Bugsad sa pagdiriwang ng ika-69 na anibersaryo ng Pampanga Press Club. Kahit paano ay makintal sa isipan ng mamamayan na talagang sinusuportahan siya ng Pangulo sa kanyang kandidatura. Problema ni Go ang hindi pagsipot ng Pangulo, kaya kanyang niremedyuhan sa pamamagitan ni Bugsad. Pero, malaking problema ng bayan ang hindi nila makita ang Pangulo matapos ang pagsabog na yumanig sa Isulan, Sultan Kudarat. Naganap ito noong Martes ng gabi, na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng 36 na iba pa. Kaya, ang nangyari, kung sino-sino na lang ang naririnig ng mamamayan hinggil sa anong magiging hakbang ng pamahalaan sa napakabigat na isyung ito na naglagay at naglalagay sa kanila sa panganib. Si Executive Secretary Salvador Medialdea ang nagpalutang ng ideya na palawigin ang martial law sa Mindanao, na ipinataw ng Pangulo noong Mayo, 2017 at magtatapos sa huling araw ng Diyembre ng taong ito. Anumang kahilingan na magpapalawig sa martial law buhat sa Pangulo ay susuportahan daw nina Speaker Gloria Arroyo at House Majority Leader Rolando Andaya. “Mahigpit na mino-monitor ng Pangulo ang proseso ng imbestigasyon upang mapanagot ang responsable sa pagsabog,” sabi naman ni Presidential Assistant Go. Nangako, aniya, ang Pangulo ng katarungan para sa mga biktima. Wala pang mensahe na ipinahahayag si Presidential Spokesperson Harry Roque buhat sa Pangulo.
Ang mga isyung katulad ng nangyari sa Isulan, Sultan Kudarat ay kailangan ng presensiya ng Pangulo, na pinakakalma ang taumbayan at sinasabing kontrolado ng gobyerno ang sitwasyon. Pero nasaan siya? Baka iba na ang kumikolos para lapatan ng lunas ang problema na ikapapahamak ng bayan. Ang matindi pa ay walang kapangyarihang ipinagkaloob ang mamamayan sa mga ito. Baka maulit ang nangyari kay dating Sen. Ninoy Aquino, na pinaslang habang nakaratay si dating Pangulong Marcos.
-Ric Valmonte