INAMIN ni San Juan Vice Mayor Janella Estrada na lumaki siyang nakakasama ang mga entertainment press noong gumagawa pa ng movies ang amang si former Senator Jinggoy Estrada.
Pero ang pagharap niya sa entertainment press para sa isang lunch-chikahan, bago iyon kay Janella. Pasalamat naman siya na sinamahan siya ng Daddy niya.
Ano ang pagkakaiba ng showbiz at politics, na nagsimula siya bilang councilor ng San Juan City in 2013, at nahalal na vice mayor in 2016?
“Halos wala po namang pagkakaiba, kasi nga po nakita ko na si Daddy noon na nag-aartista at ngayong public servant na rin ako, gusto ko na rin yatang mag-showbiz,” biro ni Janella.
“Kidding aside po, nang makatapos ako ng political science sa De La Salle, Manila, sinabi ko sa tatay ko na gusto kong kumandidatong councilor ng San Juan, maglingkod sa mga constituents namin. Nang pumayag siya, pinag-aralan ko na po kung paano siya nagsilbi sa City of San Juan, tulad din po ni Lolo Erap (Manila Mayor Joseph Estrada).
“Nagisnan ko na rin po kasi kung paano nila napaunlad ang city namin at kinabisa ko na ang mga alintuntunin at magiging trabaho ko bilang isang councilor, then nang maging vice mayor ako.
“Thankful po ako kay Mayor Guia (Gomez), na dahil last term na niya as Mayor of San Juan, ako na ang in-endorse niya para kumandidatong mayor sa 2019.
“Itutuloy ko po ang advocacy ko tungkol sa paglaban sa drugs na sinimulan ko na. Sa ngayon ay may 400 surrenderees na kami na binigyan na namin ng trabaho sa San Juan para magtuloy na ang pagbabago nila.
“Ngayon, handang-handa na rin po ako, pinag-aralan ko na ang mga ordinances at resolutions na ipatutupad at thankful po ako dahil nakalabas na si Daddy.”
Nagpapasalamat naman si former Senator Jinggoy na siya ay “happy to be back”. Nagpasalamat din siya kay Mayor Guia for endorsing Janella as the next mayor of San Juan.
“Malaking bagay iyon at ang pagiging supportive niya kay Janella.”
Ano ang advice niya kay Janella, simula pa noong kumandidatong councilor?
“Kung ano rin ang sinabi ng tatay ko, ni Mayor Erap noong kumandidato akong mayor ng San Juan, na huwag ko siya ipapahiya sa mga tao na naghalal sa kanya. Kaya mas lalo akong hindi dapat ipahiya ni Janella ngayong kakandidato na siyang mayor.
“Pero mabait at masipag ang anak kong iyan, alam kong hindi niya ako bibiguin. Nakita ko ang determination niya na maglingkod nang magpaalam siya na kakandidato noon.”
Biniro si former Senator Jinggoy na kung magkakaroon ba ng first gentleman ang City of San Juan, dapat bang may approval niya? Sa November 25 kasi ay 29 years old na si Vice Mayor Janella.
“Bahala na siya sa buhay niya, matanda na siya. May ipinakilala siyang boyfriend sa akin noon, okey naman siya, hindi ako nakikialam sa personal life ng mga anak ko.”
-Nora V. Calderon