Sinabi ng Malacañang na personal na opinyon ni Pangulong Duterte na mas kaya ng iba na pamunuan ang bansa kaysa kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque makaraang sabihin ni Duterte na mas magiging maayos ang Pilipinas sa kamay ng diktador kung ang droga at kurapsiyon ay nananatili sa pagtatapos ng kanyang termino.
“You’re better off choosing a dictator in the likes of Marcos, that’s what I suggested,” bahagi ng talumpati ni Duterte sa Mandaue City, Cebu, nitong Huwebes ng gabi.
“Puwede kayo (you can follow the) constitutional succession, it’s Robredo but she cannot hack it,” dagdag niya.
Sa press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Roque na iyon ay personal na opinyon ni Duterte.
“Siguro po that’s just a personal belief ni Presidente that almost anyone can be better than the Vice President, with all due respect to the Vice President. That’s a personal assessment made by the President,” aniya.
Una nang sinabi ni Duterte na panatag siya kung tulad nina Senator Chiz Escudero o dating Senator Bongbong Marcos ang papalit sa puwesto. Sinabi ni Roque na ito ay personal lamang na pahayag ng Pangulo.
Si Marcos, na natalo sa pagka-bise president laban kay Robredo dalawang taon na ang nakalilipas, ay naghain ng protesta laban sa huli. Sinabi ni Roque na ang pahayag ng Pangulo ay hindi nakakaapekto sa petisyon.
“Not at all because the PET is conducting what is called revisions of the ballot. So it’s the ballots that will be speaking and not the justices individually,” aniya.
“They are just going through the ballots to ascertain kung sino talaga ang binoto ng taumbayan para sa posisyon ng Bise Presidente (who the people elected as Vice President),” dagdag niya.
Minsan nang tinawag ni Duterte si Robredo na incompetent at sinabing ang kanyang constitutional successor ay hindi nag-iimprove, lalo na sa usapin ng ilegal na droga.
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS