EKSAKTONG 3:46 ng umaga nitong Huwebes namin pinanood sa YouTube ang trailer ng bagong comedy seryeng Playhouse nina Zanjoe Marudo at Angelica Panganiban, at aaminin naming para kaming tanga sa katatawa.
Ang galing-galing kasi talaga ni Angelica pagdating sa comedy, dahil laging effortless siya. Samantalang si Zanjoe naman ay sumasagot lang sa mga hirit ng aktres, na seryoso pero nakakatawa as in.
Base sa trailer, kina Zanjoe at Angelica iniwan ni Denise Laurel ang kanyang anak, isang batang lalaki, bilang guardians ng bagets, kasama na ang kayamanan nito.
Walang nagawa sina Zanjoe at Angelica kundi gampanan ang bago nilang role bilang mga ikalawang magulang ng batang anak ni Denise, hanggang sa nagkadebelopan sila. Ayaw naman nilang aminin ito sa isa’t isa, at kaya Playhouse ang titulo ay dahil bahay-bahayan ang drama nila.
As usual, tatay na naman ang papel ni Zanjoe sa Playhouse. Bagay talaga sa kanya ang nasabing role dahil malakas ang chemistry niya sa mga bata. Kaya nakatitiyak kami na sa grand launching ng Playhouse ay tatanungin na naman ang aktor ng ‘hindi ka pa ba nagsasawang gumanap na tatay?’
Oo nga. Sa huling teleserye ni Zanjoe, ang My Dear Heart noong 2017 kasama si Bela Padilla mula sa Dreamscape Entertainment, ay tatay din ang role niya. Anak nila ni Ria Atayde sa serye si Heart Ramos.
At itong Playhouse ay mula naman sa unit ni Ginny M. Ocampo, na kung tama kami ay papalit sa Sana Dalawa Ang Puso, na ilang linggo na lang eere.
Bukod kina Zanjoe at Angelica, kasama rin sa Playhouse sina Kisses Delavin, Donny Pangilinan, Maxene Magalona, Kean Cipriano, Smokey Manaloto, Nadia Montenegro, at marami pang iba
Going back to Z and Angel, first time nilang magsasama as partners kaya bago ito sa paningin ng mga manonood.
-REGGEE BONOAN