JAKARTA— Pinatunayan ni Filipino-American Kristina Knott na karapat-dapat siya sa Team Philippines na sumabak sa 18th Asian Games.
Sa women’s 200 meters, si Knott ang best Southeast Asian bet sa finals ng sprint sa Gelora Bung Karno Stadium Miyerkoles ng gabi.
Tumapos na pang-anim si Knott katabla si China’s Kong Lingwei sa parehong tyempong 23.51 segundo, lamang kay Vietnam’s The Lan Quach ( 23.77).
“This is a vindication for her. In the SEA Games, this is a gold medal,” pahayag ni PATAFA president Philip Ella Juico, patungkol sa muntikan nang pagalis sa lineup sa Fil-Am runner dahil sa kawalan ng record sa SEA Games.
Nakamit ni Bahrain’s Edidiong Odiong ang ginto sa 22.96, kasunod sina India’s Chand Dutee (23.2) at China’s Wei Yongli (23.27).
Nabigo naman si Ernest John Obiena na malagpasan ang 5.5 meters sa tatlong pagtatangka para masibak sa podium ng men’s pole vault.
Nanguna si Seito Yamamoto ng Japan sa iskor na 5.60m, kasunod sina China’s Jie Yao at Thailand’s Patsapong Amsam Ang na nakalagpas sa 5.50m.
Tumapos naman sa ika-12 sa 15-man field ng men’s triple jump si Mark Harry Diones sa natalong 15.72 meters, malayo sa 16.46m na nagawa niya sa 2017 Asian Championships sa Bhubaneswar.