Hindi malulutas ng importasyon ng galunggong ang suliranin sa bumababang stock ng isda, at dapat na pag-isipan ng Department of Agriculture (DA) ang polisiya nito sa pag-aangkat ng galungong.
Ito ang reaksiyon ni Senator Cynthia Villar na nagsabing may mga alternatibo namang paraan, katulad ng pagkonsumo ng ibang uri ng isda kapalit ng galunggong na puwedeng pagkunan din ng protina, tulad ng bangus, hasa-hasa, ayungin at iba pa.
Inilabas ng senador ang pahayag kasunod na rin ng pag-apruba ng DA sa importasyon ng 17,000 metriko toneladang galunggong mula China upang mapigil ang tumataas na presyo ng isda.
“Importation should not be our automatic reaction to problems besetting the agriculture sector. We should work for long-term solutions that will make us self-sufficient and competitive,” payo ni Villar.
Iminungkahi rin ng senadora ang pagpapatupad ng price ceiling upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at maglunsad ng no-nonsense campaign laban sa cartelization at smuggling.
Aniya, alam naman natin na may kartel sa Pilipinas at sila ang nagkokontrol sa presyuhan ng mga pangunahing bilihin natin.
-Leonel M. Abasola